Advertisers
Patay ang isang lola nang masunog ang inuupahang gusali sa Muntinlupa City noong Sabado.
Nagsimula ang sunog sa gusali sa may Barangay Bayanan at mabilis ding kumalat sa ilang kalapit na tirahan.
Inakala rin umano ng mga residente na nakalabas nang maaga ang lola na nasawi sa sunog.
“Parang napansin ko siya tapos biglang bumalik… hinahanap niya yata ‘yong apo niya or baka naga-ano siya nang maisasalba,” kuwento ni Paul Navarro, kapitbahay ng nasawi at isa rin sa mga nasunugan.
“Lahat ng tagarito nag-panic na kaya ‘yong namatay na isang ale doon sa sunog, hindi na namin narinig na humihingi ng saklolo kasi nag-panic kami,” sabi naman ng residenteng si Marilou Doronila.
Patuloy na inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog.
Samantala, 11 establisimyento at 3 bahay rin ang natupok sa San Mateo, Rizal noong gabi ng Sabado.
Ayon sa BFP, wala namang nasaktan sa sunog na nangyari sa Barangay Maly pero aabot sa P500,000 ang halaga ng pinsala.
Iniimbestigahan pa rin umano ng BFP ang insidente.