Advertisers
Arestado ang limang fixer sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Land Transportation Office (LTO) nitong Miyerkules, Marso 29 sa harap ng Novaliches District Office nito sa Quezon City.
Mismong sina LTO Assistant Secretary Jose Arturo Tugade at Executive Director Giovanni Lopez ang nagpanggap na aplikante at lumapit sa mga fixer na nasa harap ng opisina sa Novaliches.
“Kami po ay nag-disguise nung araw na ‘yon nais po namin makita first hand sa opisina batay sa complaint na natanggap namin tumambay kami sa opisina at talagang napakaraming fixer,” ani Tugade sa isinagawang media briefing sa LTO Central Office sa Quezon City.
Dagdag pa niya, inaresto rin ng mga tauhan ng CIDG-Quezon City ang iba pang fixer sa harap din ng LTO Novaliches District Office nitong Martes, Marso 28.
Ani Tugade, ang limang akusado mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9885 o Anti-Red Tape Act of 2007.
“Yung limang fixers po, ang chinarge po natin sa kanila is [The five fixers will be charged for their] violation of the anti-red tape act […] aside from the penalty of a fine, penalty of imprisonment if found guilty of the charges filed against them.”
Maliban sa pag-aresto sa mga fixer, ibinahagi rin ni Tugade na sinuspinde at inalis muna sa pwesto ang pinuno ng Novaliches District Office upang bigyang-daan ang imbestigasyon.
“If he is found to be in connivance with the fixers, then the appropriate criminal cases will be filed against him,” aniya.
Hindi naman tinukoy ni Tugade ang pagkakakilanlan ng mga akusado maging ng Novaliches District Office head.
Aniya, dapat sitahin at pagbawalan mismo ng mga tauhan ng mga opisina ng LTO ang mga fixer na pakalat-kalat sa kanilang lugar.
Nagbabala naman si Tugade sa mga fixer at mga empleyado ng ahensya na makikipagsabwatan na mayroong “zero tolerance” sa korapsyon ang LTO.