Advertisers
Opisyal na inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ang kanilang Anti-Sexual Harassment (ASH) desk at hotline upang higit na maprotektahan ang publiko mula sa sekswal na pang-aabuso, karahasan, at pagsasamantala.
Ipinahayag ni Caloocan Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na ang anumang uri ng sexual harassment o pang-aabuso may parusa sa batas, at ang pagbubukas ng ASH desk at hotline isang perpektong paraan upang tapusin ang Women’s Month at simulan ang Sexual Assault Awareness Month ngayong Abril . Ibinahagi din niya ang ASH hotline, email address at lokasyon ng desk para sa tulong.
“Walang puwang sa Caloocan ang pang-aabuso at pambabastos kaya sinikap namin na maglunsad ng Anti-Sexual Harassment Hotline at Desk sa pangunguna ng Gender and Development Resource and Coordinating Office (GADRCO). Ang sinomang biktima o nakasaksi ng anumang uri ng pambabastos o pang -aabuso ay maaaring magreport sa numero bilang 0956-88-43210 o magpadala ng mensahe sa ASHdesk@caloocan.gov.ph. Maaari rin silang magtungo sa ating GADRCO sa 8th floor, Caloocan City Hall – South,” ani Mayor Malapitan.
“Oras na para tuldukan ang sexual harassment. Napapanahon din ang paglulunsad natin ng ASH desk at hotline bago matapos ang National Women’s Month at bilang pagsalubong natin sa Sexual Assault Awareness Month na inoobserbahan tuwing Abril,” wika ni Mayor Along.
Bukod dito, ang GADRCO Officer-in-Charge na si Jan Christine Bagtas, humarap sa publiko at hinikayat silang humingi ng tulong kung kinakailangan.
“Sa ating mga kababayan, may kakampi po kayo sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan. Huwag po kayong matatakot na magsumbong o magdalawang isip na humingi ng tulong, bukas po ang ating tungkulin upang gabayan kayo sa mga nararapat na aksyon,” pahayag ni Bagtas.