Advertisers
NATAPOS din ang maliligayang araw ng pangongotong ng isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang kumagat ito sa entrapment operations ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng MMDA Intelligence and Investigation Office (IIO) sa Port Area, Maynila.
Kinilala ang naaresto na si Aide Rey Gaza, 53 anyos, nakatalaga sa MMDA Northern Traffic Enforcement Division – Traffic Reaction Unit.
Ikinasa ang operasyon nang magreklamo ang may-ari ng isang trucking company na nag-o-operate sa North Harbor at Valenzuela City.
Ayon sa nagrereklamo na si Salvador Jecino, si Gaza at ang kanyang mga kasabwat ay nangongolekta ng ‘payola’ na nagkakahalaga ng P10,000 bawat buwan mula pa 2019 upang maiwasan ang abala at matiyak ang maayos na operasyon ng kanyang negosyo sa trucking at transport service.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman, Atty. Don Artes, na hindi niya kukunsintihin ang anumang maling gawain tulad ng kotong o payola at iba pang ilegal na aktibidad ng kanilang mga tauhan.
Nasa kustodiya na ng RSOG si Gaza na nahaharap sa mga reklamong robbery extortion at paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.