Advertisers
Patay ang Chief of Police ng Tubao Municipal Police Station nang bumangga ang minamanehong kotse sa isang Fortuner sa Brgy. Guinabang, Bacnotan, La Union noong Martes Santo.
Kinilala ang nasabing opisyal na si Police Major John Maynard Macusi, 32, residente ng Barangay Old Central, Sudipen, La Union.
At kinilala naman ang driver ng Fortuner na si Avelino Ledda Anastacio, Jr., 29, residente ng Brgy. Nalasin, Balaoan, La Union.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bacnotan Municipal Police Station, patungong timog direksyon sa national highway sa naturang lugar ang sasakyan ni Macusi samantalang patungong hilagang direksyon naman ang sasakyan ni Anastacio.
Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, hinihinalang na-lost control ang opisyal sa minamaneho nitong kotse hanggang sa bumangga ang sasakyan nito sa nakasalubong na Fortuner.
Nagtamo ng malubhang sugat sa katawan ang naturang opisyal na agad namang nadala sa Bacnotan District Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival ng doktor.
Nasa ligtas na kalagayan naman si Anastacio at ang dalawang pasahero nito.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.