Advertisers
WALO ang nasawi sa pagkalunod, kabilang ang limang menor de edad, nitong Biyernes Santo at Sabado de Gloria sa magkakahiwalay na bayan sa lalawigan ng Batangas.
Dead on arrival sa Batangas Provincial Hospital si Mark John Espulgar, 23 anyos; at ang limang menor de edad na sina Gian Carlo Tubal; Fritzy Jane Tubal; Grachel Sulit; Mark John Sulit; at Frincess Erich Sulit; nakaligtas naman si Danilo Tubal, habang naliligo sa dagat 3:00 ng hapon sa Barangay Sambal Ilaya, Lemery.
Sa report ng Lemery Municipal Police Station, si Espulgar at ang mga menor de edad na biktima ay pawang residente ng Barangay Sampa sa bayan ng Sta. Teresita.
Binawian din ng buhay sa kaparehong ospital si Juanito Tiples, 61 anyos, Brgy. Sampaloc,Dasmarinas City, Cavite, nang maligo sa dagat 12:30 ng tanghalisa Barangay Matingain 1 ng nasabing bayan.
Base sa ulat, sinubokan pigilan ng mga kagawad ng Lemery Rescue Group si Tiples na lango sa alak subalit hindi ito nakinig, at ilan sandali ay nakita ang katawan nito na palutang lutang sa dagat na wala nang buhay.
Nasawi din ang isang 17 anyos na babae nang malunod sa dagat ng Barangay Lumaniag sa Lian 10:00 ng umaga nitong Biyernes Santo, nang mag-outing kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan.
Napaulat din na namatay sa AMDH Hospital sa Nasugbu si Rexie Detaonon, 30, nang tangayin ng malaking alon 2:00 hapon sa Barangay Munting Indang noong Biyernes Santo.(KOI LAURA)
***
SA Camarines Sur, lima sa pitong magpipinsang kabataan ang nasawi sa nang maligo sa dagat sa bayan ng San Jose.
Dead on arrival ang lima sa mga biktima, tatlo rito ay mga menor de edad, habang nagpapatuloy ang search and rescue operation para sa 16-anyos na dalagita.
Kinilala ni Police Lt. Colonel Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office-5 (Bicol), ang mga biktima na sina Rizza, 17 anyos; Jhona, 17; Rhea, 18, residente ng Goa, Camarines Sur; at Rafael, 18, at Regine Pino, 16, mula sa Naga City, Camarines Sur.
Sinabi ni Calubaquib na si Ashley Rose, 16, mula sa Goa, ay nawawala pa, habang nailigtas si Jean Rose, 12.
Ayon sa imbestigador na si Police Chief Master Sergeant Rodolfo Rivero, ang tiyuhin ng mga ito ang nakadiskubre sa pangyayari 9:30 ng umaga.
Nailigtas sa pagkalunod ang 12 anyos na dalagita, na kasama ang mga pinsan sa pagligo malapit sa tinatawag na “sabangan” o bahagi ng dagat na nasa bukana ng ilog.
Hindi umano nagkulang ang barangay officials sa pagpapaalala sa mga beachgoer na umiwas sa bahaging ito ng beach dahil delikado rito lalo na tuwing low tide, kung kailan mas lumalakas ang water current papunta sa mas malalim na bahagi ng dagat. Mistulang kumunoy rin umano ang buhangin dito.
Dumayo lamang sa lugar ang mga biktima, at posibleng hindi nakapagtanong sa mga nakatira sa tabing-dagat kung saan sila ligtas na lumangoy.
Rekomendasyon nito sa barangay at LGU, maglagay ng designated area kung saan lamang pwede maligo, lalo’t inaasahan ang pagdagsa ng pami-pamilyang nais salubungin ang Linggo ng Pagkabuhay sa beach.
Sa San Mateo, Isabela, nalunod ang 40-anyos na babae na nakipag-picnic kasama ang mister at 5 anak.
Nagkainuman ang mag-asawa, ayon sa mga awtoridad.
Bandang 4:00 ng hapon nang lumusong ang biktima para maligo sa mababaw at umaagos umanong bahagi ng ilog. Ilang saglit pa hindi na siya nakita at pinaniniwalaang lumubog.
Sa tala ng Isabela Police Provincial Office, umabot na sa anim ang biktima ng pagkalunod sa ilog sa kasagsagan ng paggunita ng Semana Santa.
Kabilang sa mga ito ang isang taon gulang na lalaki sa San Mariano; 36- anyos na magsasaka sa Angadanan; 43-anyos na padre de pamilya at dalawa niyang anak na edad 15 at 7 anyos na pawang taga-Maynila at nagbabakasyon lang sa bayan ng Alicia.
Nalunod naman sa ilog ang 6-anyos na babae sa Nueva Vizcaya.
Tatlo katao naman galing pa sa iba’t ibang probinsiya ang nalunod nitong Sabado sa Pangasinan.
Kinilala ang mga biktima na sina Enrique Espinosa ,70, ng Barangay Pagatpat, Sta. Cruz, Zambales; Johny Lingayo, 52, ng Panta St. San Vicente, Baguio City; at isa pa mula sa Tarlac.
Lumangoy umano ang biktima sa ipinagbabawal o pribadong bahagi ng isla hanggang sa iulat ng caretaker na may may nakalutang na rito ang bangkay na nito.
Habang si Lingayo ay natagpuang patay sa swimming pool ng resort sa Barangay Bulaoen West, Sison.
Ang isa pang biktima mula sa Tarlac na may kasamang mga pamilya sa Dagupan City.
Ayon sa pulisya, natangay ang biktima ng malakas na agos ng dagat at tuluyang nawala. Kalauna’y natagpuan ito ngunit idineklara ring dead on arrival sa pagamutan.