Advertisers
NAISALPAK ni Shai Gilgeous -Alexander ang isang go-ahead baseline jumper sa huling 29 segundo upang buhatin ang Oklahoma City Thunder sa 123- 118 pagpatalsik sa Pelicans sa Western Conference play-in tournament.
Tumapos si Gilgeous-Alexander na may 32 points at nagtala si Josh Giddey ng 31 points, 10 assists at 9 rebounds habang may 27 points si Lu Dort tampok ang dalawang free throws sa nalalabing 6.2 segundo.
Sasagupain ng Oklahoma City ang Minnesota Timberwolves para sa No. 8 spot at ang mananalo ang kakasa sa No. 1 Denver Nuggets sa NBA playoffs first-round series.
Iniskor naman ni Brandon Ingram ang 20 sa kanyang 30 points sa second half, kasama ang isang 3-pointer sa huling 4.3 segundo.
Matapos ipasok ni Gilgeous-Alexander ang dalawang free throws para sa Thunder ay nagkaroon naman si Herbert Jones ng inbound pass error sa panig ng Pelicans.
Sa Toronto, humataw si Zach LaVine ng 39 points at may 23 markers si DeMar DeRozan para akayin ang Chicago Bulls sa 109-105 pagpapatalsik sa Raptors sa play-in tournament game.
Bumangon ang Chicago mula sa 19-point deficit para talunin ang Toronto.
Haharapin ng Bulls ang Miami Heat para sa No. 8 seat sa Eastern Conference playoffs at ang mananaig ang maghahamon kay Giannis Antetokounmpo at sa Milwaukee Bucks sa first-round.