Advertisers
IBINUNYAG ng dalawang Filipina na biktima ng human trafficking na ang escorts na siyang nagpa-facilitate ng departure ng mga pasahero ang siyang nagbigay sa kanila ng pekeng exit stamps para hindi na dumaan sa Bureau of Immigration (BI).
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang mga biktimang hindi na pinangalanan para sa proteksyon nito ay sasakay sana ng Cebu Pacific patungong Dubai sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 pero bigong makapasa sa primary inspection ng BI.
Nabatid kay Tansingco na ang dalawang Pinay ay nagpanggap na mga turista pero inamin din ng mga ito na sila ay pupunta sa abroad para magtrabaho bilang household service workers.
Ayon pa sa mga biktima, ang mga traffickers na kanilang nakilala sa fastfood restaurant ay sinabihan sila na sumailalim sa immigration clearance kung saan dala na nila ang stamped passports at boarding passes bago pa pumunta sa departure area.
“The victims were directed to wait for escorts, but when they got there, nobody arrived and they could no longer contact those who handed them their passports,” paglalahad ni Tansingco.
Nabatid pa sa mga Pinay na nalaman nila ang job opening mula sa isang “Regine” at “Onday” na kanilang nakilala sa Facebook.
Muli ay nagpaalala ang BI Commissioner sa publiko na huwag magpabiktima sa mga taktikang ganito dahil may istriktong polisiya ang BI laban sa mga nagpa-facilitate ng arrival at departure ng mga pasahero para umiwas lang sa immigration formalities.
Nalulungkot si Tansingco na sa kabila ng pagbibigay-babala niya sa publiko na maging mapagmatyag sa mga online recruitment ay patuloy pa ring nagaganap ang mga ganitong insidente.
“The pandemic has brought challenges to many of our kababayans. The sound of greener pastures abroad has become promising,” sabi ni Tansingco.
“But we remind the public to be wary of the dangers of trusting strangers online,” dagdag pa ng BI Chief.
Ang mga biktima ay dinala sa kustodya ng Inter-Agency Against Trafficking (IACAT) para tulungan sa pagsasampa ng kaso sa kanilang recruiters. (JERRY S. TAN/JOJO SADIWA)