Advertisers
Patay ang isang pulis nang aksidenteng pumutok ang baril habang nililinis nito sa likod-bahay ng isa pa niyang tirahan sa Lipa City, Batangas.
Kinilala ng pulisya ang nasawing kabaro na si Police Staff Sergeant Ronald Silva, 46 anyos, nakatalaga sa mobile patrol unit ng Lipa Police station.
Sa imbestigasyon, nadiskbure ng kanyang anak na babaeng si Daniela Celyne Silva sa Barangay Bulacnin, Lipa City, ang nakahandusay at duguang biktima 5:00 ng umaga.
Nakitaan ang naturang pulis ng tama ng bala sa ulo.
Ayon kay Lt. Col. Ariel Azurin, hepe ng Lipa City Police, hinihinala ng mga imbestigador na habang nililinis ng biktima ang kanyang baril nang biglang makalabit nito ang gatilyo.
Natagpuan ng mga kaanak ng biktima ang mga panlinis na kagamitan, ang PNP issued firearm at fired cartridge case sa lugar kung saan nakahandusay ang wala nang buhay na biktima habang maraming lumalabas na dugo mula sa kanyang ulo.
Sa kabila ng hinihinalang accidental firing, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung may foul play sa insidente.