Advertisers
Nasawi ang anim na Tausug sa barilan ng dalawang pamilya na nag-ugat sa pamimitas lang ng bungang-kahoy sa isang lupang kanilang pinag-agawan sa Indanan, Sulu.
Sa ulat na tinanggap ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naganap ang engkwentro sa Barangay Bunot sa bayan ng Indanan sa probinsya ng Sulu nito Miyerkules, April 26, 2023, na nagsanhi ng tensyon sa mga residente ng naturang lugar.
Mismong si Major Edwin Catayao Sapa, hepe ng Indanan municipal police, ang nagkumpirma ng insidente sa PRO-BAR nitong Sabado kasabay ng pagtiyak na nagtutulungan na ang lokal na pulisya at ang mga halal na opisyal ng Indanan na maayos ang kaguluhan.
Anim katao sa magkabilang panig ang nasawi sa insidente, pahayag ni Sapa sa kanyang ulat kay Brig. Gen. Allan Nobleza, director ng PRO-BAR.
Ayon kay Sapa ang barilan sa Barangay Bunot nagsimula sa pamimitas ng bungang-kahoy ng mga miyembro ng isang pamilya na agad namang ikinagalit ng kabilang grupo.
Ginawa diumanong mistulang “bihag” ang dalawang menor-de-edad na namimitas ng mga prutas sa sakahan ng kabilang pamilya kaya nagkabarilan ang dalawang grupo gamit ang mga assault rifles.
Matagal ng may alitan sa boundary ng kanilang mga sakahan ang dalawang pamilyang Tausug na sangkot sa barilan nitong Myerkules, pahayag ni Sapa.
Nagtutulungan na ang Indanan Municipal Police Station at ang Indanan local government unit sa pagtugon sa naturang peace and order issue.