Advertisers
NAGPAHAYAG ng interes na maglagak ng negosyo sa Pilipinas ang isang malaking nuclear energy firm na nakabase sa Estados Unidos matapos makapulong si Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa Washington D.C.
Sa isang meeting kahapon, sinabi ng NuScale Power Corporation na plano nitong maghanap ng lugar kung saan ito maaaring maglagak ng negosyo sa bansa.
Kilala ang NuScale sa paggawa ng maliliit at ligtas na nuclear power system.
Sa panig naman ni PBBM, naniniwala itong malaki ang maitutulong ng kompanya sa kakulangan sa suplay ng kuryente sa bansa.
Ayon naman kay Clayton Scott, executive vice president for business ng NuScale, gumagamit sila ng small modular reactor (SMR) technology na suportado ng US government at aprubado na rin ng US Nuclear Regulatory Commission.
Ang NuScale ay may mga proyekto na rin sa Utah, Romania, Indonesia, at Poland na nagbibigay ng ligtas, maaasahan, at mababang halaga ng kuryente.
Nasa $6.5 hanggang 7.5B ang ilalaang investment ng kompanya para sa 430 megawatts sa bansa sa 2031.
Kasama naman ni Pang. Marcos sa biyahe sa Amerika sina House Speaker Martin Romualdez, Trade Secretary Alfredo Pascual, Energy Secretary Raphael Lotilla, Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr., Communications Secretary Cheloy Garafil, at Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez. (GILBERT PERDEZ)