Advertisers
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng tensyon sa West Philippine Sea, nanindigan si Senator Christopher “Bong” Go sa pagtatanggol sa karapatan sa soberanya ng bansa laban sa anumang panghihimasok sa karagatang sakop nito.
Isang araw matapos bumisita sa Maynila si Chinese Foreign Minister Qin Gang at nakipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., iniulat ng Philippine Coast Guard na gumamit ang China Coast Guard ng “dangerous maneuvers” para harangin ang mas maliit na sasakyang pandagat ng PCG na naging sanhi ng muntik na pagbangga ng dalawa sa kanilang coast guard ships malapit sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Matatandaan din na noong nakaraang Pebrero, iniulat naman ng PCG ang isang insidente kung saan gumamit ng military-grade laser ang isang Chinese security vessel laban sa isang Philippine patrol boat sa pinag-aagawang karagatan.
“Alam n’yo tayo na mga Pilipino, maliit lang tayo na bansa, ngunit matapang po ang Pilipino. Kaya nakikiusap po ako, kung totoo man po ‘yung ginagawa nilang pambu-bully, kung pambu-bully man po ‘yon, nakikiusap po ako tigilan n’yo na po ang pambu-bully sa Pilipino,” ani Go, vice chair ng Senate national defense committee, sa ambush interview matapos ang kanyang pagbisita sa Calaca City, Batangas.
“Dahil tayong mga Pilipino ipaglalaban natin kung ano ang atin. What is ours is ours. Atin po ‘yun. Kaya tumigil na po kayo na idaan sa dahas o sa pambu-bully. Dahil porke’t maliit lang tayo na bansa ay aapihin na tayo, ‘wag naman pong ganun. Respeto po, respeto,” dagdag ng senador.
Noong Abril 28, binigyang-diin ni Department of Foreign Affairs spokesperson Tess Daza na dapat igalang ng Tsina ang mga legal na karapatan ng bansa na magsagawa ng pagpapatrol sa karagatan.
“The China Coast Guard’s interference with this routine patrol mission was totally inconsistent with freedom of navigation, and a number of documented incidents also involved highly dangerous maneuvers that were contrary to standard navigational practices,” ayon kay Go.
Habang nagpapatuloy ang tensyon sa West Philippine Sea, hinimok ni Go ang pangangailangang magkaisa sa pagharap sa mga hamon na pananakot, pangmamaliit o pambu-bully ng Tsina sa rehiyon.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng paninindigan para sa pambansang interes at pagtataguyod ng mapayapang resolusyon sa mga alitan sa teritoryo.
“Tulad ng naumpisahan po ni (dating) Pangulong (Rodrigo) Duterte, mandato po ng Estado na protektahan, isulong, at ipaglaban po kung ano ‘yung atin,” ayon sa senador.
Hindi aniya kinakailangang makipag-away pero importanteng ipaglaban ang interes ng bansa at igiit kung ano ang sa atin.