Advertisers

Advertisers

Bong Go: Mental health dapat tutukan tulad ng ibang sakit

0 104

Advertisers

Binigyang-diin ni Senator Christopher “Bong” Go na mahalagang matugunan ang isyu sa kalusugan ng pag-iisip sa bansa sa pagsasabing ito ay kritikal kagaya ng iba pang sakit sa bansa.

Sa pampublikong pagdinig ng Senate committee on health na kanyang pinamumunuan, ikinalungkot ni Go na sa kabila ng pagtaas ng kamalayan at pagsisikap na tugunan ang iba’t ibang mental health concern, patuloy na umiiral ang mental health stigma sa lipunan kung saan ay maraming hindi kinikilala ang mga palatandaan at sintomas ng problema sa pag-iisip, lalo sa kabataan.

“Palagi itong iniiwasan na pag-usapan dahil kadalasan nahihiya sila sa posibilidad na ma-discriminate sila ng tao,” ani Go.



“Umpisa pa lang ng pandemya, marami na pong naiulat na nakaka-experience ng depression, dahil marami ang talagang naapektuhan, nawalan ng kabuhayan o nawalan ng mahal sa buhay,” dagdag ng senador.

Sinabi niya na dahil sa pandemya ng COVID-19, maraming kabataang Pilipino ang na-stress at nagkaproblema sa kalusugan ng pag-iisip.

Iniulat ng Department of Education na noong 2021, nasa 404 mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan ang nagpakamatay habang 2,147 ang nagtangkang kitilin ang sariling buhay.

“Hanggang ngayon, maraming napapabalitang nag-suicide o sumubok na mag-suicide sa mga paaralan. Nakababahala po ito, lalo na sa kabataan na kung tutuusin, napakarami pa ring oportunidad sa buhay,” ayon kay Go.

Upang matugunan ang isyung ito, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11036, o ang Philippine Mental Health Act, na nagtatatag ng isang national mental health policy na nakadirekta sa pagpapabuti ng kalusugan ng populasyon.



Ngunit sa kabila ng kahanga-hangang batas na ito, sinabi ni Go na may mga isyu sa pagpapatupad nito.

Partikular na ikinabahala niya ang estado ng National Center for Mental Health (NCHM) na nangangailangan ngayon ng atensyon at improvement upang mapreserba ang basic right ng lahat ng Filipinos sa health care.

“I also want to particularly bring to our attention the observations of Senator Raffy Tulfo during his surprise ocular inspection at the National Center for Mental Health. Senator Tulfo reported the miserable conditions of some patients, with some being treated unjustly or even worse than animals,” pahayag ni Go.

“Ako rin po, ilang beses na po akong bumisita sa ilang mental health facilities noon at saksi po ako sa kawawang kalagayan ng mga pasyente doon,” idinagdag ng mambatatas.

Ipinunto ng senador na ang decongestion sa NCMH ay kritikal sa pagpapabuti ng kasalukuyang estado nito.

Sinabi din ni Go na ang mga nakarekober na pasyente na walang mapupuntahan ay kailangan ding ilipat sa mga angkop na pasilidad.

“Napansin ko po, pumunta ako sa Culion, may mga leprosy (patients) doon. Ayaw nang umuwi. Nakakalungkot po, mga matatanda, yung iba 30 years, 50 years, ayaw nang umuwi sa kanilang probinsya sa kanilang pamilya.”

“Maaaring wala na po silang mauwian, after 30 years, ano bang pwede nating gawin na intervention, home for the aged? Saan ba natin sila dadalhin? Kawawa naman,” ayon sa senador.

Dahil dito, sinabi ni Go na dapat magtayo ng mas maraming specialty centers at pasilidad tulad ng NCMH lalo sa iba’t ibang rehiyon bukod sa Metro Manila.

“Dahil priority rin po ito ng ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, itong mga specialty centers…. ilagay po natin sa DOH (Department of Health) regional hospitals kasi ‘di naman lahat ng Pilipino ay makapupunta sa Mandaluyong para magpa-admit,” sabi ni Go.

Inihayag ni Go na kung may ebidensya ng katiwalian sa NCMH, maaari itong i-refer sa Blue Ribbon Committee para sa karagdagang imbestigasyon.

“Tao po itong mga pasyente kahit na may problema sila sa mental health. Paano gagaling kung ‘di ibibigay sa kanila ang tamang pag-aalaga. Ibalik sa kanila ‘yung nararapat na gamot, pagkain na naayon po para sa kanila. Tulungan po natin, mahalin po natin ang mga pasyente natin,” pahabol ng mambabatas.