Advertisers
Pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa pagsasabing nasa tamang landas ang gobyerno, sa ngayon, at idiniin ang kanyang patuloy na pagsuporta sa mga programang naglalayong iangat ang mahihirap.
Sa ambush interview sa Senado matapos ang pagdinig ng committee on health na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Go na “so far, so good” ay nasa tamang landas ang itinatakbo ng gobyernong Marcos.
“After almost one year or about ten months po ng administration, nasa right direction naman po ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos. I’m here to support kung ano ang makatutulong para sa mga mahihirap,” ani Go.
“Bilang isa sa 24 senador, susuportahan ko ang mga programa at panukalang makatutulong sa ating mga kababayan. Susuportahan ko po ang mga inisyatiba para mailapit natin ang serbisyo sa mahahirap. ‘Yun naman ang aking layunin as a senator,” dagdag ng senador.
Binigyang-diin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan, sinabi ni Go na ang mga opisyal ng gobyerno ay dapat laging unahin ang interes ng mga taong higit na nangangailangan ng atensyon.
Idinagdag niya na ang mga pampublikong tagapaglingkod ay dapat magtrabaho tungo sa pagbibigay sa mga Pilipino ng mas mahusay na access sa mga pangunahing serbisyo, tulad ng pangangalaga sa kalusugan, edukasyon, at mga oportunidad sa trabaho.
“Ilapit po natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan. Hindi na po sila dapat kailangan pang lumapit sa atin… (Ako) hindi ko matiis na nakaupo lang dito sa ating opisina. Gusto ko talagang matulungan ang mahihirap nating kababayan. ‘Yun po ang aking panawagan. Mailapit po natin ang serbisyo ng gobyerno sa ating mga kababayan,”giit ng mambabatas.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, binigyang-diin din ni Go ang kanyang suporta sa mga priority measure ng Pangulo tulad ng pagtatatag ng mas maraming specialty centers sa buong bansa.
Nauna nang inihain ni Go ang Senate Bill No. 1321, o ang panukalang “Specialty Centers in Every Region Act of 2022”, na naglalayong magtatag ng mga specialty center sa mga piling Department of Health-hospital sa buong Pilipinas.
Ang mga center na ito ay inaasahang tutugon sa mga serbisyo, tulad ng mental health, cardiology, renal, neonatal, cancer, at iba pa.
Kasama rin sa Philippine Development Plan 2023-2028 na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr., ang pagtatatag ng mga specialty center bilang bahagi ng health-related legislative agenda nito.
“Dagdagan natin ang ating mga specialty center… kasama na to address mental health. About more than 20 ang plano ngayon ng DOH all over the country na ilalagay po itong mga specialty center para (makatulong) sa mental health problems. So, suportado ko po ito dahil napakalawak po ng Pilipinas,” paliwanag ng senador.
“Ilagay natin sa mga DOH regional hospital para hindi na kailangang pumunta pa dito ang mga pasyente sa Metro Manila para magpagamot. Ilapit natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan lalo na po sa malalayong lugar at mga kababayan nating mahihirap,” iginiit pa ni Go.