Advertisers
Isasailalim sa lifestyle check ang mga miyembro ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) sa gitna ng kontrobersiyang kinakaharap ngayon nito dahil sa umano’y pagnanakaw ng 42 kilos ng iligal na droga ng ilang miyembro nito mula sa mga nasabat na droga sa isang malaking operasyon sa Maynila noong nakaraang taon.
Inihayag ito ni PDEG director, PBGEN Antonio Olaguera kasunod ng inihayag ni PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr na plano nitong buwagin ang special operations unit ng naturang hanay ng kapulisan.
Handang tumalima ang kanilang hanay sa kautusang ito lalo na’t bahagi ito ng mahigpit na monitoring sa kanila na pinaniniwalaan niyang mas maganda ang magiging epekto.
Kaugnay nito ay binigyang diin din ng opisyal na ang hakbang na ito ay walang magiging paglabag sa privacy at karapatan ng mga pulis.
Idinagdag din ng PDEG Director na ang puwersa ng pulisya ay walang problema sa pagdating sa manpower upang mahawakan ang mga ilegal drug operation sa mga tanggapan ng rehiyon, probinsiya, at munisipyo sakaling tuluyan nang ipatupad ang pagbubuwag sa special operations unit ng kanilang hanay.
Ang tanong,kayanin kaya ng PNP ang dambuhalang salot na ito sa ating lipunan na mismong ang kapulisan ang nag- nourished at nag-pampered?
Sabi nga,marami tayo ngayon,pulis na,druglord pa!
Gaya nga ni Rodolfo Mayo na bagamat isang hamak na sarhento lamang ay may 1 toneladang droga sa kanyang pag-iingat.
Ano pa kaya ang mga heneral na pasok din sa narco trade?
May kasunod…
ABANGAN!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com