Advertisers
NATAGPUANG sugatan ang isang 18-anyos na babae na may tama ng bala sa loob ng isang kotseng inabandona sa General Santos City.
Ang kotse, iniwan umano ng driver na pakay ng buy-bust operation at naka-hit and run ng motorsiklo.
Nangyari ang insidente Martes ng gabi. Nakita ang inabandonang kotse sa Mabuhay Road sa Barangay City Heights.
Wala sa kotse ang driver nito kundi ang babaeng sugatan na kinalaunan ay binawian ng buhay sa pagamutan.
Kinilala ng mga awtoridad ang babae na si Kyla Jane Serafin, habang ang nakatakas na driver ay si Jose Francisco Villaruel na target ng buy-bust operation.
Ayon sa pulisya, pakay ng buy-bust operation si Villaruel ng mga operatiba ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RDEU). Pero humarurot ito nang matunugan na mga pulis ang kaniyang katransakyon. Isang motorsiklo ang nahagip at nakaladkad ng kotse ni Villaruel.
Tinugis ng mga awtoridad si Villaruel hanggang sa makita ang kotse nito sa Barangay City Heights. Pero wala na si Villaruel, tanging ang pasahero nalang na si Serafin ang nakita sa sasakyan na may tama ng bala.
Dinala sa ospital si Serafin pero binawian ng buhay.
Nakita rin umano sa loob ng kotse ang ilang sachet ng shabu, cash, isang baril, at iba pang gamit.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen.