Advertisers
Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go, miyembro ng Senate committee on labor, ang inisyatiba o isinusulong sa Mataas na Kapulungan na across-the-board increase sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa.
“Dahan-dahan na tayong bumabangon dahil sa magandang pandemic response natin. Manageable na ang COVID-19 pero huwag pa rin tayo magkumpyansa. Matapos na mailigtas ang buhay mula sa sakit, siguraduhin naman natin ang laman ng kanilang tiyan,” sabi ni Go.
“No Filipino should be left behind in our road towards full and inclusive economic recovery. By being inclusive, we mean not just business owners and investors benefiting from the improving economy but also even the most ordinary workers, especially the daily wage earners. Yung mga isang kahig isang tuka, huwag natin pabayaan,” idiniin niya.
Noong Mayo 11, iniulat ng Philippine Statistics Authority na ang Gross Domestic Product ng Pilipinas ay lumago nang 6.4% sa unang quarter ng taong ito.
Lumampas ito sa mga pagtatantya na ginawa ng mga ekonomista. Ito, sa ngayon, ang pinakamabilis na rate ng paglago sa Timog-silangang Asya — tinalo ang Indonesia na may 5.03% at Vietnam na may 3.32%.
Gayunpaman, binigyang-diin ng International Monetary Fund kamakailan na ang paglago ng ekonomiya ng bansa ay dapat mapanatili sa 6% ngayong taon kung isasaalang-alang ang inflation rate na nananatiling mataas.
“Risks to inflation remain on the upside, and a continued tightening bias maybe appropriate until inflation falls decisively within the 2-4 percent target range,” anang IMF sa isang pahayag.
“Nag-expand nga ang ating ekonomiya pero mataas pa rin ang inflation rate. Ibig sabihin, mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin at serbisyo,” ani Go.
Kaya naman sinabi pa niya na dapat isipin ang mga pinakamahihirap na manggagawa, ang mga daily wage earner na nahihirapan nang mag-budget, o halos isang kahig, isang tuka na lang sa taas ng presyo ng bilihin.
Bagama’t kinikilala ng senador na kailangang balansehin ang interes ng mga employer at manggagawa, ipinaalala ni Go na kamakailan ay nakinabang sa mababang income tax ang mga kumpanya at negosyo sa pamamagitan ng isinabatas na Republic Act No. 11534 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act o “CREATE” na inaprubahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Noong Marso 14, ang Senate Bill No. 2002, na kilala rin bilang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023, ay inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri.
Target nitong itaas ng P150 ang arawang sahod sa pribadong sektor sa lahat ng rehiyon.
“The proposed wage hike will apply to the entire private sector, agricultural and non-agricultural, regardless of capitalization and number of employees,” ayon sa isang kalatas mula sa opisina ng Senate President.
Inaasahan ni Zubiri na mailalabas ang committee report sa loob ng dalawang linggo at umaasa siyang maaaprubahan ng Senado ang panukala bago ang adjournment nito sa susunod na buwan.
Ang Committee on Labor and Employment, na pinamumunuan ni Senator Jinggoy Estrada, ay inaprubahan kamakailan sa prinsipyo ang nasabing panukalang batas, na co-authored din ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda. Plano din ni Senator Go na maging co-author ng panukalang batas.
Masigasig na tagapagtaguyod ng kapakanan ng paggawa, naghain din ng mga panukala na layong mabigyan ng proteksyon at benepisyo ang mga manggagawa, partikular na ang SBN 2107 o ang Freelance Workers Protection Act.
Kikilalanin nito ang mga karapatan ng freelance workers at tiyaking sila ay protektado at sapat na nababayaran para sa kanilang serbisyo.
Inihain din niya ang SBN 1705 na nagmumungkahing taasan ang service incentive leave ng mga empleyado sa pribadong sektor; at SBN 1707 na magbibigay ng compensation package sa mga social worker sa bansa.
Noong nakaraang taon, naghain din si Go ng SBN 1183 o ang “Media and Entertainment Workers’ Welfare Act”, na naglalayong mabigyan ng proteksyon, seguridad at mga insentibo ang mga manggagawa sa media sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime at night differential pay, at iba pang benepisyo.