Advertisers
INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na hindi pa tapos ang pandemya na bitbit ng nakamamatay na COVID-19 sa bansa.
Ganito ang tindig ng DOH matapos naman ihayag ng World Health Organization o WHO na tapos na ang pandemya na dulot ng COVID-19 na ang ibig sabihin lamang ay tapos na ang ilang taon na pananalasa sa buong mundo.
Dalawang institusyon ito patungkol sa pangkalusugan, ang isa ay lokal o Pinoy habang ang isa naman ay mga banyaga. Subalit sa magkaibang pahayag ng dalawa ay sadyang nakalilito sa taumbayan.
Ano kaya ang motibo sa pagkontra ng DOH sa pangunahing organisasyon na binubuo ng mga eksperto sa larangan ng medikal mula sa maraming bansa? Na mas magaling ang DOH kaysa WHO?
Ano ba ang mapapala ng taumbayan sa pahayag na ito ng DOH patungkol sa estado ng COVID-19 kung ito ‘pandemic’ o hindi na? Upang masabi na mas mahusay ang Pinoy kaysa sa mga banyaga?
Sinabi na ng WHO na tapos na ang pandemya. Si WHO na may kakayahan upang matukoy ang katayuan ng lahat ng bansa sa buong mundo laban sa COVID-19 sa nakalipas na mga taon hanggang sa kasalukuyan.
Kontra naman ang naging pahayag ng DOH sa tindig na ito ng WHO. Si DOH na ang Pinas lamang ang kanyang nasasakupan at umaasa rin ng maraming bagay sa WHO gaya ng karagdagang kaalaman sa medikal o kalusugan ng tao.
Sa puntong ito ay masasabi marahil ng taumbayan na ‘WHO you ka, DOH’ para kontrahin ang pahayag ng mas malaking institusyon, mas maraming eksperto at mas maraming pondo para bantayan ang kalusugan ng mga tao sa buong mundo.
Kung dadaanin naman natin sa terminolohiya o kahulugan, ang EKSPERTO mismo ang magsasabi na mas makatotohanan ang WHO kaysa sa DOH dahil [nga] buong mundo si WHO habang Pinas lang si DOH.
Kapag ‘pandemic’ kasi madalas gamitin kapag apektado na ang buong mundo. Mas mababa naman ang ‘epidemic’ kung ihahambing sa ‘pandemic’ habang mas mababa naman sa ‘epidemic’ ang ‘endemic’ na para lamang sa isang bansa. Nalimutan lang sana ng DOH ang mga kahulugan?
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com