Advertisers
NANANAHIMIK ang Altai Philipppines Mining Corporation sa kanilang pagmimina ng nickel deposits sa isla ng Sibuyan sa lalawigan ng Romblon. Sa unang tingin, mukhang iniwan na ng Altai Mining ang Sibuyan upang sa ibang isla sila magmina. Ngunit huwag magpapaloko dahil hindi iniwan ng Altai Mining ang Sibuyan upang sa ibang isla magmina. Hndi inabandona, sa maikling salita.
Binago lang ng Altai ang kanilang estratehiya kung matatawag na estratehiya iyon. Binago ang kanilang estilo, kung estilo nga ang tawag doon. Hindi nawawala ang kanilang maitim na balak upang tuluyang gahasain ang matulaing isla. Dahil mahaba ang pisi ng pamilya Gatchalian, isa sa malaking pamilya sa pulitika at negosyo iniba nila ang kanilang operasyon sa Sibuyan. Sa laki ng halaga na isinuka sa unang tangka, hindi sila papayag na aatras ng ganoon lang.
Kinasapakat nila ang mga taga-Sibuya na halang ang bituka at nagpapagamit sa kanila. Ayon sa huling balita mula sa isla, nagtayo sila ng iba’t ibang organisasyon hindi lang upang ipagtanggol ang kanilang sarili kundi gipitin at siraan ang mga environmental defender na tumututol sa kanilang maitim na agenda. Kahit ang Simbahan, hindi nila nilubayan sa bagong operasyon. Ginagamit nila ang social media sa paninira. Dumadami ang mga bagong fake accounts at pahina sa social media upang atakihin ang mga environmental defender.
Alam ba ninyo na gamit ng Altai Mining ang binuong Sibuyan CSR MASIKAP? Kinukuwestiyon ngayon ng iba’t ibang mga organisasyon na nasangkot dahil sa misrepresentation ng mga lumagda sa Memorandum of Cooperation (MoC) sa Altai. Pinabulaanan ito ng mga tunay na lider at matatanda ng katutubong Sibuyan Mangyan Tagabukid, Magdiwang Agrarian Reform Cooperative, San Fernando Agrarian Reform Community Cooperative, Nature’s Ambassadors for Sibuyan Island Youth Group, San Fernando Irrigators Association, pati na ng mga kababaihan sa San Fernando at Magdiwang. Malinaw ang panloloko ang ginawa sa MoC.
Ginagamit ang poder upang kunin ang mga nickel deposit ng isla at ibenta sa China. Ayon sa isang tagamasid: “Altai and its community relations are taking advantage of social media, weaponizing it through misinformation, harassment and greenwashing.” Hindi pa tapos ang isyu ng illegl mining nga mga Gatchalian sa Sibuyan.
***
Kamakailan, naglabas ang Altai Mining ng isang full-page ad sa Philippine Daily Inquirer kung saan ipinagmagaling nila na sila ay “responsableng miner.” Paano sila magiging responsable sa kanilang pagmimina kung nagputol sila ng mga puno sa isla kahit walang permiso mua sa DENR? Paano sila magiging responsable kung nagtayo sila ng pantalan kahit walang pahintulot sa Philippine Ports Authority (PPA), and ahensiya ng gobyerno na may kapangyarihan sa operasyong ng mga pantalan?
Sa kanilang full-page ad, pilit nilang inilalayo ang pangalan ng mga pulitikong Gatchalian sa Altai. Dumidistansiya, sa maikli. Inilalayo ang mga pangalan ni Sherwin, isang senador, Rex, isang kasapi ng Gabinete, at Wesley , isang kongresista. Malinaw na isang dinastiyang pulitikal ang mga Gatchalian. Malaki at lubhang makapangyarihan sa larangan ng pulitika. Ipinalalabas na hindi kasali ang mga pulitikong Gatchalian. Mahirap paniwalaan na hindi sila kasali sa ganyang kalaking operasyon.
Ipinagkakaila ng Altai na hindi sila ilegal na nagmimina sa Sibuyan. Mukhang hindi nila naintindihan ang mga punto ng pagtutol ng mga mamamayan sa kanilang pagmimina. Mukhang hindi nauunawaan ang pagwasak nila sa kaligiran ng Sibuyan. Tahimik ang Sibuyan at nagulo lamang ang isla mula nang dumating ang Altai Mining at umpisahan ang pagmimina sa isla. Tuluyang mawawasak ang kaligiran sa isla at iyan ang ikinatatakot ng mga mamamayan. Mawawasak ang pinagkukuhanan ng kabuhayan at pagkain.
***
HINDI namin alam kung tuluyang susuko si Arnolfo Teves Jr. sa mga awtoridad. May balita na babalik sa bansa si Teves noong Miyerkoles bagaman sinabi niya na hindi ito totoo. Hindi namin alam kung totoong babalik si Teves. Walang mapuntahan si Teves at hindi siya binigyan ng political asylum kahit sa Timor Leste.
Maliban sa mga pulo-pulong bansa sa Dagat Pasipiko, walang ibang susulingan si Teves. Hindi nakahandang magkanlong sa isang puga ang mga maunlad na bansa. Kung ang mismong Timor Leste ay tumanggi na magkanlong sa kanya, maaasahan ba ng ibang bansang ASEAN? Sa tantiya namin, babalik si Teves. Hindi siya magtitiyaga sa Samoa, Fiji, o Marshall Islands. Pumayag man ang alinman sa kanila, malaking gastos ang kanyang haharapin. Mauubos ang kanyang kayamanan.
May pantapat si Boying Remulla sa kanya. May isasalang na reklamong murder laban kay Teves at kasama ang limang hindi pa pinagangalanan sa reklamo. Wala pang inilalabas na kopya ng reklamo ang DoJ bagaman sinabi ni Boying na batayan ng reklamo ang mga nakalap na sinumpaang salaysay o affidavits ng mga suspect at iba nakalap na ebidensya ng NBI.
Paano si Gerald Bantag? Mukhang nagtatago na si Batag. May mga balita na tumakbo na siya sa Davao City at kinakanlong ni Gongdi. Hindi dapat pumayag ang gobyerno ni BBM na paglaruan ng mga puga sa katarungan. Marapat na masukol sila kung saan man sila naroon at dalhn sa hudgado at harapin ang kanilang mga sakdal.
***
Email:bootsfra@yahoo.com