Advertisers
NASABAT ng Bureau of Customs -Port of NAIA sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) ang isang imbak ng shabu na nakatago sa loob ng isang inabandonang bagahe sa NAIA Terminal 1 noong ( Miyerkules) Mayo 17, 2023
Ang bagahe ay pagmamay-ari ng isang pasaherong Ugandan at dumating sa Pilipinas noong Disyembre 24, 2022 sa pamamagitan ng Ethiopian Airlines flight number ET628 at Philippine Airlines flight number PR 737.
Ayon sa ulat, ang bagahe ay sumailalim sa x-ray scanning machine kung saan ay naghinala ang customs personnel na mayroong nakatagong ‘illegal drugs’ dahilan upang magsagawa ng 100% physical examination at nadiskubre dito ang 2.846 kilo ng shabu na may street value na Php 19,352,800.
Nabatid sa Port of NAIA na sasailalim sa seizure at forfeiture proceedings ang mga nasamsam na bagahe habang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pasahero para sa posibleng paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165, o Comprehensive Drug Act, at RA 10863 na kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Muling nagbabala ang BOC sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang kanilang pangako na pigilan ang ipinagbabawal na pagpasok ng mga kalakal sa bansa. Ang BOC-NAIA, sa pangunguna ni District Collector Atty. Yasmin Mapa ay patuloy na paiigtingin ang seguridad sa hangganan at pag-ibayuhin ang koordinasyon nito sa mga katuwang na ahensya para labanan ang ilegal na pagpupuslit ng droga sa bansa. (JOJO SADIWA / JERRY TAN)