Advertisers
NAGPAPASAKLOLO sa Commission on Human Rights ang isang suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Huwebes, sinasabing dalawang buwan nang nawawala at hinihinalang naka-hostage ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang pamilya.
Hiniling ni Jhudiel Roxas Rivero alyas “Osmundo R. Rivero”, sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Danny Villanueva, kay CHR chairman Richard Palpal-Latoc na imbestigahan ang umano’y pagdukot ng NBI sa kanyang pamilya.
Sa isang press briefing nitong Huwebes sa Quezon City, sinabi ni Villanueva na: “Dapat din igalang ang mga karapatan ni Rivero” gaya ng nakasaad sa Saligang Batas.
“Ang mga karapatan ng mga akusado ay dapat igalang, at anumang mga paglabag sa mga karapatang ito ay dapat matugunan sa isang mabilis at epektibong paraan,” ayon kay Villanueva.
Sinabi ni Rivera, sa isang sinumpaang salaysay, na ang kanyang pamilya (asawang si Quennie, stepson na si Christian at dalawang taon gulang na anak na si Jophiel) ay kinuha mula sa kanilang bahay sa Zamboanga del Sur noong Marso 8, 2023 at dinala sa Pagadian City para umano sa layunin ng seguridad at mabigyan proteksyon.
Noong Marso 14, ayon sa ipinadala kay Rivera ng kanyang kapatid na babae, ang kanyang pamilya ay kinuha ng NBI. Mula noon ay wala nang komunikasyon si Rivera sa kanyang pamilya.
Kaugnay nito, sinabi ni Villanueva na hihingi din sila ng tulong kay Justice Secretary Crispin Remulla para kumpirmahin na ligtas ang pamilya ni Rivero.
Samantala, ipinahiwatig ni Atty. Villanueva na ang pamilya ni Rivero ay ginagamit bilang bargaining chip laban sa kanyang kliyente, para pilitin si Rivera na huwag bawiin ang kanyang naunang sinasabing “readied statement” na binago ng dalawang beses matapos siyang arestuhin at isangkot sa pagpatay kay Degamo.(BOY CELARIO)