Advertisers

Advertisers

4 estudyante dinukot, 6 kidnaper timbog

0 158

Advertisers

ARESTADO ang isang grupo na kinabibilangan ng limang lalaki at isang babae nang dukutin ang apat na babaeng estudyante sa Echague, Isabela.



Sa ulat ni Major Rogelio Natividad, hepe ng Echague Police Station, kay Colonel Julio R.Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), ang mga suspek ay kinilalang sina Mario Ulep, 33 anyos, ng Brgy. Paddad, Alicia, Isabela; John Royce Bumatay, 28, ng Brgy. Malaking, Alicia; John Lyod Dela Rosa, 19; at Conrado Marzan Jr., 33, parehong residente ng Brgy. Villa Flor, San Isidro, Isabela.

Kasama din sa mga nahuli ang dalawang menor de edad na kinabibilangan ng isang 17 anyos na dalagita, estudyante, ng Brgy. Villa Flor, San Isidro; at isang 17 anyos na binatilyo, estudyante , ng Brgy. Sta. Maria, Alicia.

Ang mga biktima na pawang estudyante ay kinilalang sina Clariz Biag, Assunta Hop, kapwa 20 anyos; at dalawang 17 anyos na dalagita, pawang residente ng Brgy. Good, San Isidro.

Ayon sa pulisya, nakatanggap ang kanilang himpilan ng tawag mula sa isang lalaki at humihingi ng tulong dahil dinukot ang kanyang girlfriend kasama ang iba pang kababaihan na sapilitan isinakay ng mga armadong kalalakihan sa isang itim na Toyota Grandia Van (TOP 883) at ipinarada sa isang convenience store sa Brgy. Ipil sa naturang bayan.

Sa pagresponde ng pulisya, at nang makarating sa convenience store ay tumakbo ang mga biktima palapit sa patrol ng mga pulis at sila’y humingi ng tulong.

Nang mapansin ng drayber ng van ang presensya ng mga pulis sa lugar ay agad nitong pinaharurot ang sasakyan patungong Poblacion ng Echague, subalit nahabol at nakorner ito ng mga pulis sa isang gasolinahan.

Nakuha mula sa mga suspek ang isang Glock handgun na caliber 9mm at mga bala.(REY VELASCO)