Advertisers

Advertisers

10 years kulong sa ilegal na pagsusuot ng PNP, AFP uniforms – Sen. Estrada

0 172

Advertisers

DAPAT pagmultahin ng hanggang P20,000 at makulong ng 10 taon ang sinumang nagpapanggap na miyembro at gumagamit ng uniporme ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada kung saan ang mga taong hindi awtorisadong gumawa at magbenta ng mga uniporme, maging ang paggawa ng tela ng nasabing uniporme ay dapat pagmultahin din ng P5,000 hanggang P10,000 at makulong ng dalawa hanggang limang taon.

Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2151 na nagmumungkahi ng pag-amyenda sa Republic Act 493, sinabi ni Estrada na layuning mapipigilan nito ang paglipana ng mga taong gumagamit ng pekeng uniporme ng pulis at kawani para maisagawa ang kanilang mga iligal na gawain.



“Makailang beses nang napabalita ang mga pag-extort, kidnapping, pangho-holdup, maging ang pag-ambush ng mga opisyal ng gobyerno ng mga pekeng pulis at miyembro ng military. Panahon na para isama sa pangangasiwa ng mga namumuno sa PNP, AFP maging ng secretaries ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Transportation (DOTr) ang tamang paggamit ng uniporme at masawata ang mga nagkukunwaring mga alagad ng batas,” wika ni Estrada.

“Habang pinagsisikapan ng ating defense establishment at uniformed personnel na linisin ang kanilang hanay ng mga tiwaling miyembro, ang iligal na paggamit ng kanilang uniporme ng mga taong hindi kabilang sa kanilang organisasyon at nagpapanggap na lehitimong miyembro para makagawa ng paglabag sa batas ay nakakaapekto sa buong puwersa bukod pa sa nakakapagpababa ng tiwala at kumpiyansya ng publiko sa mga awtoridad,” ayon pa sa senador.

Sa pagsusulong ng kanyang panukala, inihayag din ni Estrada na hindi sakop ng umiiral na RA 493, o ang batas na nagbabawal sa paggamit ng mga ranggo o titulo ng military o naval grades o ng mga taong miyembro ng AFP at PNP, ang maling paggamit at pag-aabuso sa uniporme ng mga alagad na batas.

Ani Estrada, ang umiiral na mga patakaran at magaan na parusa ay hindi mabisang paraan para pigilan ang sinuman na abusuhin ang paggamit ng uniporme ng mga alagad ng batas at tagapagtanggol ng mamamayan at ng Estado.

“Ang panukalang batas na ito ay naglalayong protektahan ang imahe ng AFP at PNP bilang isang nagkakaisa, disiplinado at respetadong organisasyon sa pamamagitan nag pag-update at paglilinaw sa RA 493 na ipinatutupad mula pa noong 1950, partikular sa pagbabawal sa mga hindi awtorisadong gumamit ng uniporme ng mga kawani ng militar at PNP. Ipinapanukala nito ang mas mahabang pagkabilanggo at mas mataas na multa upang mapigilan ang mga lumalabag sa batas,” dagdag pa ng senador.



Sa umiiral na batas, pinagmumulta lamang ng P2,000 hanggang P5,000 at pagkakakulong ng dalawa hanggang limang taon ang mga nagpapanggap na pulis o sundalo. (Mylene Alfonso)