Advertisers
NATAGPUANG patay ang 4-taon gulang na batang lalaki sa loob ng washing machine sa Barangay CAA, Las Piñas City.
Dalawang araw nang hindi makatulog ang pamilya ng biktima sa kakahanap rito.
Nang masilayan muli nila ang musmos, nasa state of decomposition na ito.
Natagpuan ang bata sa loob ng washing machine sa bahay ng kanyang 15-anyos na tiyuhin na una nang pinagkatiwalaan ng pamilya upang alagaan ito.
Natuklasan ng ina ng tiyuhin ang bangkay nang umalingasaw ang amoy nito.
Una nang nagsumbong ang lolo ng biktima sa barangay na nawawala ang kanyang bunsong apo noong May 26.
Base sa salaysay na ibinigay ng ina ng tiyuhin sa pulis, naaksidente umano ang bata. Nakarinig raw ito ng malakas na kalabog sa hagdan. Natakot umano ito nang makitang hindi na kumikilos ang pamangkin.
Sa taranta nito, kinuha niya ang bata at itinago sa loob ng washing machine.
Pero hindi kumbinsido ang lolo ng biktima sa alibi ng tiyuhin ng bata. Giit nito, may naganap na krimen at hindi lamang aksidente ang nangyari.
Ayon sa lolo, bukod sa kahina-hinala na paliwanag, nag-post ang salarin sa kanyang social media account na nagpapahiwatig na napatay niya ang kanyang apat na taon gulang na pamangkin.
Hinihintay pa ng mga pulis ang resulta ng otopsiya sa biktima upang malaman kung may foul play sa pagkamatay nito.
Dinala sa pasilidad ng DSWD ang kinse anyos na “salarin”.
Ayon sa lolo ng biktima, mapapatawad nila ang binatilyo, pero desidido silang papanagutin ito. (Gaynor Bonilla)