Advertisers
KULONG ang apat na riders nang arestuhin ng mga pulis habang nagsasagawa ng drag racing sa Project 6, Quezon City, Sabado ng madaling araw (Mayo 28).
Kinilala ni Quezon City Police District chief Brigadier General Nicolas Torre III ang mga inaresto na sina Larvy Lavarias Sajonia, 27 anyos; Jame Henry Sonido Dimacali, 19; Jonel Mendez Maneja, 21; at Mark Juniel Baybay, 25.
Ayon sa report ni Project 6 Police Station 15 commander, Lt. Col. Richard Mepania, nakatanggap sila ng sumbong na may nagaganap na illegal drag racing sa Visayas Avenue sa Project 6 kaya agad rumesponde ang kanyang mga pulis.
Sa ulat, 4:00 ng umaga, naaktuhan ng mga pulis ang apat na riders habang nagkakarera na nagdulot ng panganib sa ibang motorista. Pumalag pa at nagtangka tumakas ang apat na riders nang arestuhin.
Kinumpiska ng pulisya sa mga suspek ang isang motorsiklo at tricycle.
Sasampahan ang mga suspek ng kasong alarm and scandal, paglabag sa city ordinance laban sa motor vehicle racing, at resistance and disobedience to an agent of person in authority.