Advertisers

Advertisers

4 MINASAKER SA LOOB NG BAHAY SA NAVOTAS

0 155

Advertisers

NASAWI ang apat katao kabilang ang mag-live-in partner nang pagbabarilin sa loob ng bahay ng apat na mga armadong lalaki sa Navotas City, Lunes ng madaling araw.



Kinilala ang mga nasawi na sina Allan Sioson, 49 anyos; live-in partner niyang si Rosalia Menia, 26; habang nadamay din si Sally Sapallo, 41, na umano’y kanilang plantsadora; at 15-anyos na binatilyo.

Sa ulat ni Navotas Police chief Colonel Allan Umipig kay Northern Police District (NPD) Director, Brig. General Ponce Rogelio Penones Jr., nasa loob ng kanilang bahay sa 417 Barangay North Bay Boulevard North (NBBN) ang mag-asawa kasama ang dalawa pa nang pasukin ng mga salarin 1:35 ng madaling araw at pagbabarilin.

Tumakas ang mga salarin sakay ng dalawang motorsiklo

Nakakuha ang mga tauhan ng NPD Forensic Group sa crime scene ng 20 basyo ng bala mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril, 2 plastic sachet ng shabu, drug paraphernalias, digital weighing scale, log book ng kanilang transaksyon at 4 tingga ng bala.

Ayon Umipig, dati nang nakulong sa droga si Sioson at nang makalaya noong 2021 ay nagpatuloy ito sa iligal na gawain, iligal na droga, at ginamit pa ang kanyang bahay bilang drug den.

Nagsilbi namang “runner” ng droga si Sapallo at ang menor-de-edad.
Inamin sa pulisya ng anak ng biktima at iba pang testigo na may malaking utang ang dalawang biktima at hindi nakakabayad sa pinagkukuhanan nila ng droga.

Sinabi pa ni Col. Umipig na kilala na nila ang mga salarin at kasalukuyan nang tinutugis ang mga ito. (Beth Samson)