Advertisers
TINIYAK ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na hindi gagamitin ng pamahalaan ang state pension fund para sa bagong aprubang Maharlika Investment Fund (MIF).
Ang pahayag ay ginawa ni PBBM sa isang ambush interview matapos matanong ng media hinggil dito sa kanyang pagdalo sa 87th Anniversary ng Government Service Insurance System (GSIS) sa Pasay City.
Ayon sa Pangulo, hindi magiging seed fund ng MIF ang state pension fund.
Matatandaang lumusot sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang MIF Bill makaraan ang labindalawang oras na deliberasyon.
Una nang inihayag ng Department of Budget and Management (DBM) na huhugutin ang pondo ng MIF mula sa Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang fund sources.
Gayunman, sinabi ni PBBM na kung magpapasya ang pension fund na maglagak ng investment sa MIF ay nasa kanila pa rin ang naturang desisyon. (GILBERT PERDEZ/VANZ FERNANDEZ)