Advertisers

Advertisers

NBI sisilipin pagkakasangkot ng opisyal ng PNP at local officials sa pagpaslang sa brodkaster sa Mindoro

0 153

Advertisers

INATASAN ang National Bureau of Investigation (NBI) ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na magsagawa ng ‘parallel investigation’ sa pagkapaslang sa radioman, Cresenciano Aldivino Bundoquin, noong Mayo 31 sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Matapos ang higit dalawang oras na pulong nina Remulla at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, Undersecretary Paul M. Gutierrez, inatasan ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon para lalong mapagtibay ang resolusyon ng kaso, linawin ang pagkakasangkot ng ibang personalidad sa Mindoro sa pagkapaslang kay Bundoquin, at maiwasan ang ‘whitewash’ sa kaso.

Bagama’t nasa ilalim ng Office of the President, si Gutierrez ay direktang nag-re-report kay Secretary Remulla at Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil dahil ang dalawa ay kapwa co-chairs ng PTFoMS.

Ayon sa PTFoMS, bukod sa nakilalang gunman na si Isabelo Lopez Bautista, resident ng Bansud, mayroon pang tatlong personalidad sa Mindoro, isa rito ay police major na nakatalaga sa PRO4-B (Mimaropa) Police Office, ang “sangkot” sa pagpatay kay Bundoquin.

Ang isa naman ay opisyal ng probinsiya na miyembro ng prominenteng pamilya ng politiko sa Mindoro, habang ang isa pa ay matagal nang “bigtime” operator ng “perya” na prente ng mga iligal na sugal na malapit sa mga lokal na opisyal at kasosyo ng nasabing police major.

“Thus, Secretary Remulla deemed it best to order the NBI to conduct a parallel probe for us get a clear picture of what happened and who are the other persons or ‘mastermind’ behind the attack on Bundoquin,” sabi ni Gutierrez.

Si Bundoquin, 50 anyos, ay radio blocktimer sa local radio Kalahi News FM. Pinaslang siya ng riding in tandem bandang 4:00 ng umaga sa harap ng kanyang inuupahang tindahan sa Barangay Sta. Isabel, Calapan City noong May 31.

Ang gunman ay nakilalang si Bautista, habang ang kanyang kasama ay nakilalang si Narciso Ignacio Guntan mula sa bayan ng Roxas na namatay matapos habulin at bundulin ng kotse ng anak ni Bundoquin ang sinasakyan nilang motorsiklo, kungsaan tumilapon si Guntan at nabagok ang ulo, habang si Bautista ay nakatakas nang makatalon at tumakbo.

Ang dalawang salarin ay pareho umanong nagtatrabaho sa “peryahan” sa Mindoro. At si Bautista ay nagtatrabaho rin bilang driver at may sideline sa iba pang influential individuals sa probinsiya.