Advertisers
NAGLABAS ng direktiba ang Malacañang na nag-aatas sa mga tanggapan ng pamahalaan sa national government na magkasa ng water conservation measures.
Ang Memorandum Circular No. 22 na nilagdaan ni Executive Sec. Lucas Bersamin na may petsang Hunyo 7, 2023 ay inilabas ng Palasyo upang mapaghandaan na rin ang El Niño Phenomenon na pinangangambahang magbubunga ng kakapusan ng tubig, hindi lamang sa Kalakhang Maynila, kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sakop ng kautusan ang mga Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs), state universities at colleges (SUCs) at iba pa.
Tinatakdaan ang mga ahensyang ito na magpatupad ng water conservation na magreresulta ng sampung porsiyentong water volume reduction.
Sang-ayon pa rin sa memo, inaatasan ang mga kinauukulang ahensya na kumpletuhin ang kanilang mga proyekto at i-upgrade ang kanilang mga water distribution pipes sa lalong madaling panahon.
Maliban dito, pinamo-monitor din sa Water Resource Management Office (WRMO) ang compliance o pagtupad ng mga concerned government agencies kung saan obligado rin silang magsumite ng update kada tatlong buwan ukol dito sa Office of the President (OP) sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES). (Gilbert Perdez)