Advertisers
KULONG ang Sangguniang Kabataan (SK) chairman nang magwala sa Barangay 14, Laoag City, Ilocos Norte.
Ayon sa hepe ng Laoag City Police Station na si Lt. Colonel Joseph Baltazar, kinilala ang suspek na si Tristan Jade Felipe, 27 anyos, SK chairman ng Barangay 22, ng nasabing bayan.
Ayon kay Baltazar, may tumawag sa kanilang tanggapan at sinabing nagwawala si Felipe sa loob ng isang karendirya sa Barangay 14.
Ayon sa imbestigador, pinagsusuntok ni Felipe ang ilang kumakain sa karinderia pati na ang umaawat na barangay kagawad.
Sa pagresponde ang mga pulis, dinatnan ang lasing na SK chairman na nagwawala pa sa kainan.
Sinabi ng pulisya na sinugod din sila ni Felipe at isang pulis ang sinipa nito.
Dito na dinamba ng mga pulis si Felipe at dinala sa himpilan.