Advertisers

Advertisers

4 ex-officials ng DA-Caraga inaresto!

0 136

Advertisers

INARESTO ang apat na mga dating opisyal ng Department of Agriculture (DA)-Regional Office 13 sa Caraga sa mga kasong paglustay ng malaking halaga ng pondo ng ahensya nitong Huwebes, Hunyo 22, 2023.

Sa opisyal na pahayag nitong Sabado, kinumpirma ni Brigadier General Pablo Labra II, direktor ng Police Regional Office (PRO)-13, ang pagkakaaresto sa mga naturang dating opisyal sa magkakahiwalay na operasyon sa Butuan City ng pinagsanib na mga kasapi ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at PRO-13.

Kinilala ang apat na DA officials na sina Edgardo Dahino, assistant regional director ng DA-13; at tatlong kasama nito sa trabaho na sina Jessica Da-An, regional finance chief; Merylinda Santos, budget officer III; at Gerry Leop, regional accountant.



Suspendido rin sa kani-kanilang mga trabaho ang nabanggit na mga opisyal.

Ang pag-aresto sa apat ay batay sa arrest warrant na inisyu ng Associate Justice ng Sandiganbayan Fourth Division sa Quezon City na may petsang Mayo 26, 2023.

Ayon kay Labra, may itinakdang tig-P210,000 na piyansa ang Sandiganbayan para sa pansamantalang paglaya ng apat habang sila ay lilitisin sa mga kasong paglabag sa Republic Act 3019, Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at Article 217 ng Revised Penal Code para sa malversation.