Tulong at suporta ng mga co-workers, ipinagmalaki ni Mayora Honey
Advertisers
IPINAGMALAKI ni Manila Mayor Honey Lacuna ang tulong at suporta ng kanyang mga co-workers City Hall kaya naman naging matagumpay ang kanyang unang taon ng panunungkulan nang walang masyadong hirap.
Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga reporters sa ‘MACHRA’s Balitaan sa Harbor View,’ isang news forum na inorganisa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), sinabi ni Lacuna na ang kanyang isang taon ng pagtitimon bilang punong ehekutibo ng lungsod ay naging madali dahil siya ay napapaligiran ng mga taong pareho ang kanilang bisyon at ito ay ang “Magnificent Manila.”
“I am very fortunate that I am surrounded with people na may parehong vision kagaya sa akin. That made my job a lot easier… pare-pareho ang tono namin at ang gustong mapuntahan in the future kaya di po mahirap para magawa namin little by little ‘yung mga gusto namin for the city of Manila. Hindi po sila nahirapang makita ‘yung vision na nasa isip ko kasi ganun din sila… it was easiest to convey to my co-public servants kung ano ang gusto naming mangyari in the years to come,” sabi ni Lacuna.
Nagpahayag din ng kanyang utang na loob ang lady mayor sa mga miyembro ng private sectors sa kanilang kontribusyon sa lungsod, at sinabing ang lungsod ay patuloy na ilalagay sa mabuting gawain ang lahat ng mga tulong na ipinagkakaloob sa kabisera ng bansa.
Sa isang banda, sinabi ni Lacuna na ang pinakamahirap na bahagi sa kanyang unang taon sa tanggapan ay kung paano patutunayan sa Manileño na hindi sila nagkamali ng ibinoto bilang kauna-unahang lady mayor ng lungsod ng Maynila.
‘Yung mapatunayan sa aking mga kababayan na hindi sila nagkamali sa pagbibigay ng tiwala sa akin was the biggest challenge at ‘yung mawala ako sa shadow ng sinundan ko pong alkalde,” ayon pa kay Lacuna.
Gaya nga ng mga ginawa ni Mayor Isko Moreno sa Maynila, sinabi ni Lacuna na : “Alam naman nating napakalaki ng ginawang pagbabago ng ating alkalde na si Mayor Isko pero siguro, dahil na din sa binigyan niya ako ng pagkakataon nung ako ay Vice Mayor, sa aking maliit na naiambag nuong panahon ng pandemya bilang doktora ay nabigyan ako ng pagkakataon na mag-shine at ito ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob na kung ‘yun ay kinaya ko, mas kakayanin ko ang mas malaking responsibilidad.”
Matatandaan na bilang Vice Mayor noon, ay hawak ni Lacuna ang city government’s health cluster na nag-aasikaso ng lahat ng usapin kaugnay ng pandemya, napakinabangan ni Moreno ang kanyang pagiging isang professional doctor.
At bilang concurrent Presiding Officer ng Manila City Council, nakita ni Lacuna ang mabilis na pangangailangan na magpasa ng city’s social amelioration program na nagkaloob sa mga residente ng mga supply ng mga pangunahing pagkain sa oras na napakahirap sa bawat isa dahil ang lahat ng kabuhayan ng tao ay apektado.
Ang parehong programa din ang nagbigay ng tulong pinansyal buwan-buwan sa mga senior citizens, persons with disability, solo parents at university students.
Samantala, nabatid na ang unang taong anibersaryo ni Lacuna ay ginugol niya sa paghahatid ng serbisyo ng City Hall sa mga residente ng Sampaloc, kung saan siya nagsimula ang kanyang political career bilang fourth district Councilor. (ANDI GARCIA)