Advertisers
INARESTO na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa pagpatay sa radio broadcaster na si Cresenciano Bundoquin sa Oriental Mindoro.
Isinilbi ng NBI ang warrant of arrest laban kay Isabelo Bautista Jr. para sa ‘murder’ at ‘attempted murder’ kaugnay sa pagkakapaslang sa mamamahayag.
Subalit iginigiit parin ni Bautista na inosente siya sa krimen.
Si Bautista ay una nang kusang sumuko sa NBI-National Capital Region noong huling bahagi ng buwan ng Hunyo. Itinanggi niyang may kinalaman siya sa pagpatay sa mamamahayag na nangyari sa Calapan City.
Sinabi ng Police Regional Office Mimaropa na isa sa dalawang suspek na sakay ng motorsiklo ang bumaril kay Bundoquin sa harap ng isang sari-sari store noong Mayo 31.
Si Bundoquin, 50 anyos, ay ‘dead on arrival’ sa pagamutan.
Tinukoy naman ng mga testigo si Bautista bilang gunman, habang ang kaniyang kasabwat na si Narciso Guntan ay namatay nang bumangga ang kanilang motorsiklo sa metal barrier at nabagok ang kanyang ulo habang nakatakas ang una, matapos habulin ng sasakyan ng anak ni Bundoquin.
Sa kabilang banda, personal na tinungo ni Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director Paul Gutierrez ang NBI sa Mindoro para tiyakin ang pagka-aresto kay Bautista.
“Nandoon nakakulong sa NBI sa Mindoro,” sabi ni Gutierrez sa panayam sa kanya ng Police Files TONITE sa telepono. (Jocelyn Domenden)