Advertisers
NASA 124,000 lisensiyado at rehistradong Filipino nurses ang walang trabaho at underemployed o nagtatrabaho sa ibang industriya, ayon sa data mula sa Department of Health (DOH).
Kung kaya’t ipinanukala ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte na hanapin ng DOH ang mga nurse na walang trabaho, kumbinsihin ang mga ito na sa mga ospital ng gobyerno na lamang magtrabaho bilang paraan para masolusyunan ang lumalalang kakulangan ng nurses sa ating bansa.
Ginawa ng mambabatas ang pagbubunyag kasunod ng plano ni Health Secretary Ted Herbosa na mag-hire ng nursing graduates na bumagsak sa board exams, na inilarawan ng mambabatas na mapanganib na maaaring humantong katulad ng isang lunas na mas malala sa sakit.
Dapat din, aniya, maging prayoridad ng National Nursing Advisory Council (NNAC) ang paghahanap sa 30,000 rehistradong nurses at bagong board passers na wala pang trabaho o nasa ibang mga industriya.
Iginiit pa ng mambabatas na ang agarang pag-hire sa mga walang trabaho na pumasa sa Nursing Licensure Examination o kaya ay lisensiyadong nurse na ay mas mainam kaysa sa plano ni Herbosa.