Advertisers
Nagkaloob si Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ng P10,000 cash incentive bawat isa sa kabuuang 35 elementarya at high school students na nagtapos ng may pinakamataas na karangalan.
Ipinahayag ni Mayor Along na ang programang ito, na nagsimula ngayong taon, na naglalayon na bigyan ng gantimpala ang mga mag-aaral na may huwarang pagganap at hikayatin ang ibang mga mag-aaral na gawin din ito. Binanggit din niya na ito ay makakatulong din upang mabawasan ang mga gastusin ng mga mag-aaral para sa darating na pasukan.
“Ngayong taon sinimulan nating parangalan ng cash incentive ang mga mag-aaral na nakapagtapos nang may pinakamataas na marka. Isa ito sa paraan upang kilalanin ang kanilang galing, sipag, at dedikasyon sa eskwela,”wika ni Mayor Along.
“Layunin din nito na hikayatin ang iba pang mga estudyante na mas bibilihin pa ang kanilang pag-aaral. Ang insentibong ito ay malaking bagay din para sa ating mga mag-aaral bilang karagdagang gastos o pambaon sa susunod na school year,” dagdag pa ni Malapitan.
Ayon sa Local Youth Development Office, Officer-in-Charge Ms. Carissa Policarpio, nakipag-ugnayan na sila sa Schools Division Office (SDO) hinggil sa listahan ng mga mag-aaral na bibigyan ng reward sa graduation ceremony.
“Nakipag-ugnayan napo ang ating pamahalaang lungsod sa Schools Division Office (SDO) para sa listahan ng mga estudyanteng may pinakamataas na karangalan mula sa iba’t ibang pampublikong paaralan sa Caloocan, nagpapasalamat po tayo sa ating punong lungsod sa patuloy na pagsuporta at paggawa ng mga programa para sa kabataan,” pahayag ni Policarpio.
Upang higit pang hikayatin ang mga mag-aaral at ang kanilang pagnanais na magkaroon ng magandang kinabukasan, binigyang-inspirasyon sila ng lokal na punong ehekutibo na palaging gawin ang kanilang makakaya. Nagpahayag din siya ng optimismo na mas maraming insentibo ang ibibigay sa mga susunod na taon.
“Hangad ko na sa susunod mas marami pa tayong mabigyan ng insentibo, dahil patunay lamang ito na ang ating mga kabataan ay nagsisikap abutin ang kanilang mga pangarap at naghahangad ng isang maganda at maliwanag na kinabukasan,” wika ni Mayor Malapitan.(BR)