Advertisers

Advertisers

INFORMAL SETTLERS NA TATAMAAN NG RAILWAY PROJECTS AAYUDAHAN

0 96

Advertisers

SINAKSIHAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang contract signing para sa South Commuter Railway Project (SCRP) ng North-South Commuter Railway (NSCR) System.

Sa aktibidad na ginanap sa Malakanyang, tatlong kontrata ang nilagdaan na sumasaklaw sa 14.9 kilometrong proyekto na kinabibilangan ng railway viaduct structures.

Sa kanyang talumpati, ibinida naman ni Pangulong Marcos na papalapit na ang pamahalaan sa target nitong makapag-accommodate ng nasa walong daang libong mananakay (800,000) araw-araw sa 2029.



Ipinunto ng Pangulo na bahagi ito hangarin ng kanyang administrasyon na gawing mas episyente at inklusibo ang pampublikong transportasyon na nararapat para sa mga Pilipino.

Maliban dito, sinabi ng presidente na sa oras na umarangkada na ang kontruksiyon ng parteng ito ng NSCR project ay inaasahang lilikha ito ng tinatayang tatlong libong trabaho.

Samantala, pagkakalooban ng karampatang tulong ang mga informal settlers na maaapektuhan ng kontruksiyon ng NSCR System.

Ito ang tiniyak ni Pangulong Marcos matapos saksihan ang contract signing para sa proyekto.

Paliwanag ng Presidente, nauunawaan niya ang kalagayan ng mga mahihirap na pamilyang maaapektuhan ng proyekto, gayundin ang abalang idudulot sa kanila ng konstruksiyon ng NC-NSCR system.



Dahil dito, sinabi ni PBBM na titiyakin ng national government at ng mga lokal na pamahalaan na mabibigyan ng tulong ang mga informal settlers.

Ayon sa Pangulo, hindi maitatanggi na may mga maaapektuhan talaga ng mga malalaking proyekto ng pamahalaan pero mahalaga aniyang makumpleto ang mga ito at kalaunan ay mapipitas din naman ang pangmatagalang benepisyo nito sa hinaharap. (Gilbert Perdez)