Pangarap ng mga landless Manileño, tutuparin ni Mayora Honey
Advertisers
IPINANGAKO ni Mayor Honey Lacuna na hindi siya titigil sa pagtupad sa mga pangarap ng mga landless Manileño na isang araw ay magkaroon ng sariling lupa na matatawag nilang kanila.
Nabatid na sa unang taon niya sa tanggapan, ang pamahalaaang lungsod ay nakapamahagi na ng lupa sa mga kinatawan ng may 600 na walang lupang pamilya.
Ibinunyag ng alkalde na plano pang mamahagi ng may 330 na mga lupa sa mga darating na buwan at bumili ng mga pribadong lupa na maipapamahagi sa may 1,899 pang pamilya na nananatiling walang sariling lupa sa buong buhay nila.
“Ang matagal na nilang pangarap, nais kong bigyan naman natin ng katuparan,” sabi ni Lacuna.
Samantala, sinabi ni Lacuna na patuloy ang mga infrastructure projects sa lungsod, kabilang na dito ang ang ginagawang rehabilitasyon ng Lagusnilad sa kabila na ito ay nasa ilalim ng national government.
Sinabi pa ng lady mayor na nitong nagdaang taon, ang pamahalaang lungsod ay nakapagtatag na ng animal shelter at veterinarian clinic Vitas Tondo, pati na ng slaughterhouse at columbarium sa Manila North Cemetery.
Tuloy-tuloy din ang pagpapailaw ng mga pangunahing daan at kalye nang walang abala. Ito ay upang tiyakin na ang pedestrians, motorista at nagpapatrolyang barangay officers sa gabi ay pawang ligtas.
“Nasasalamin ang kaunlaran ng isang lugar sa maayos na infrastructure,” pahayag pa ni Lacuna, kasabay ng kanyang pangako na mas marami pang mga nakalinyang proyekto ang gagawin ng kanyang administrasyon sa susunod na mga taon. (ANDI GARCIA)