Advertisers
INIHAYAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mag-aalok sila ng libreng sakay sa ilang ruta sa Metro Manila na maaapektuhan ng nakaambang tatlong araw na transport strike sa susunod na linggo.
Ayon kay LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III, natukoy na nila ang dalawa hanggang tatlong ruta sa National Capital Region na sasakupin ng transport strike na sinimulan ng MANIBELA noong Hulyo 24 hanggang Hulyo 26.
Ang unang araw ng welga ay sasasabay sa ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo 24.
“Marami ho tayong nakakahandang libreng sakay. The usual procedure po, kinausap natin ang mga bus companies at ibang jeepney associations na ‘yung mga ruta lang naman na may pag-aaklas ang aming pupunuan,” ayon kay Guadiz.
Matatag ang MANIBELA sa desisyon nitong ituloy ang kanilang transport strike bilang pagtutol sa PUV modernization program sa kabila ng mga babala ng posibleng pagbawi ng kanilang prangkisa.
Noong Biyernes, sinabi ng LTFRB na ang mga jeepney driver na lalabag sa batas sa pagsali sa transport strike ay maaaring maharap sa parusa, kabilang ang pagbawi ng kanilang prangkisa.