Advertisers
ANG bagong sistema at tunay na reporma nang pamamalakad ngayon sa Bureau of Corrections (BuCor) ang nag-udyok marahil sa isang Persons Deprived of Liberty (PDL) na isuko ang mga ilegal na kontrabando na natagpuan sa loob ng isang quadrant ng Maximum Security compound noong Hulyo 16 ( Linggo) sa New Bilibid Prison (NBP) ,MUntinlupa City.
Kinilala sa tanggapan ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang PDL na si Robert Gamboa,nasa hustong-gulang ng Security Housing bldg.6C, Quadrant 1,Maximum Security compound, NBP.
Batay sa ulat ng Intelligence and Investigation Section (IIS), bandang alas-9:50 ng umaga nang makatanggap ng impormasyon si JSInsp Angelina Bautista, acting Superintendent hinggil sa isinasagawang imbestigasyon sa loob ng SHB building 6C kung saan isinuko ng isang PDL kay Mr. Richard Vinarao, ODG personnel at isa pang kasamahan nito ang isang pouch at dalawang lata ng pineapple juice na kalaunan ay nadiskubre na may nakatagong anim na pirasong plastic sachet na naglalaman ng white crystalline substance o sa tawag na ‘shabu’.
Sa pagtatanong kay Gamboa ay tumanggi ito na tukuyin ang pinagmulan ng mga ilegal na kontrabando at piniling manahimik. Siya ay inilipat mula sa maximum security compound sa medium security compound para sa kadahilanang pangseguridad.
Sinabi ni Bautista na kailangan nilang maging mas mahigpit sa kanilang mga tauhan at mga papasok na bisita ng mga PDL, dahil ito ay patunay na patuloy pa rin ang pagpuslit ng mga ilegal na kontrabando sa loob ng NBP at hindi ito mangyayari kung walang kasabwat ng mga tauhan ng BuCor na namamahala sa mga lugar na inspeksyon.
Idinagdag pa ni Bautista na maraming dapat gawin para repormahin ang mga tauhan ng BuCor at ginagawa ito nang paisa-isa sa pamamagitan ng pag-iskedyul ng mga value formation seminar na inaasahang mapapabuti hindi lamang ang kanilang mga halaga kundi ang paraan ng kanilang paghawak sa kanilang mga trabaho bilang corrections officers.
Dinala sa Office of the Intelligence and Investigation Section ang mga iligal na droga at paraphernalia para sa kaukulang dokumentasyon at kalaunan ay itinurn-over sa Philippine Drug Enforcement Agency(PDEA) office.
Samantala, simula nang manungkulan si DG Catapang sa nasabing ahensiya ng pamahalaan ay nagkaroon nang pag-asa ang mga taong pinagkaitan ng kalayaan na makapamuhay ng maayos sa loob ng bilangguan.
Halos lahat ng mga Commanders o Gang leaders ay nagkaisa na mapanatili ang katahimikan at kaayusan dahil sa bagong reporma bagay na hindi rin naman ipinagkait ngayon ng administrasyong Marcos sa mga PDLs ang kanilang ‘karapatan’ na mabuhay dito sa lipunan. (JOJO SADIWA)