Advertisers
ISA ang sugatan sa pagsabog ng granada nitong Lunes ng umaga, July 31, 2023, sa tapat ng terminal ng isang bus company, na ilang mga unit na ang binomba ng mga terorista upang mapilitang magbigay ang may ari ng pera sa kanila, sa Cotabato City.
Ayon sa Cotabato City Police Office, nasugatan sa pagsabog si Mohammad Alim, 37 anyos, isang dispatcher ng mga pampasaherong jeepney at mga van na naghihintay ng mga pasahero ng Husky Bus na bumababa sa terminal nito sa Sinsuat Avenue, hindi kalayuan sa isang police checkpoint.
Nito lang April 17, anim na pasahero ng isang double-decker Husky Bus ang sugatan sa pambobomba ng magkasanib na mga teroristang grupong Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters habang nakaparada sa municipal terminal ng Isulan, Sultan Kudarat.
Maagap naman na napigil ng bomb experts ng Cotabato City Police Office at ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang tangkang pagbomba, gamit ang tatlong improvised explosive devices, ng terminal dito ng Husky Bus nitong May 31.
Ayon sa mga saksi, isa sa dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo ang naghagis ng granada sa tapat ng Husky Bus terminal na nakatakas bago umalingawngaw ang malakas na pagsabog sa kapaligiran.