Advertisers
KINASUHAN ng Bureau of Intrernal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) ang mahigit 214 corporate officers ng 127 kumpanya dahil sa hindi paghahain ng income taxes, withholding taxes at value-added tax returns, at iba pa.
Sinabi ni BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., aabot sa P6.1 bilyon ang tax liabilities ng mga kumpanya na kanilang kinasuhan.
Ang mga kasong isinampa ay may kinalaman sa non-remittance mula 2005 – 2019 ng witholding tax ng kanilang mga empleyado. Dagdag pa rito ang hindi pag-remit ng 12% VAT na sinisingil sa kanilang customers.
Ito ang pangalawang beses na nagsagawa ng malawakang aksyon ang BIR sa layuning pigilan ang tax evasion sa bansa.
Bagama’t tumanggi ang BIR na ibunyag ang pangalan ng mga kumpanyang sangkot, sinabi ni Lumagui na nagmula sila sa iba’t ibang industriya tulad ng pagmamanupaktura, tingi, pag-aangkat, at konstruksyon.
Sinabi ni Lumagui na nakipag-ugnayan na sila sa mga kumpanyang sangkot sa kanilang pag-audit at imbestigasyon ngunit nabigo silang patunayan ang kanilang kaso o hindi tumugon sa mga abiso mula sa bureau,
Nagbabala si Lumagui na ang mga delingkuwenteng nagbabayad ng buwis ay maaaring maharap sa pagkakulong at pananagutan sibil dahil nangangako itong habulin ang mga kriminal na lumalabag sa National Internal Revenue Code ayon sa mandato ng programang Run Against Tax Evaders (RATE) ng bureau. (JONAH MALLARI)