Advertisers
TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang tatlong lalaking pumatay ng dalawang negosyante habang naglilibot sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur at tinangay pa ang mga bag ng mga biktima na may lamang pera at mahahalagang bagay.
Agad nasawi sa mga tama ng bala ang mga biktimang sina Anjo Binarao, 25 anyos; at Juanito Lorente, 24, kapwa taga Midsayap, Cotabato at nagbebenta ng skin care products sa iba’t ibang barangay sa mga karatig bayan sa Maguindanao del Sur.
Sa pahayag nitong Huwebes ni Colonel Roel Sermese, hepe ng Maguindanao del Sur Police, hinarang nitong Martes, August 1, 2023, ng tatlong lalaking sakay ng mga motorsiklo sa mataong lugar sa Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha sina Binarao at Lorente at agad pinagbabaril.
Dinampot ng mga salarin ang mga bag ng mga biktima bago tumakas sakay ng kanilang mga motorsiklo, ayon sa paunang ulat ni Lt. Aksad Layson, hepe ng Shariff Saydona Mustapha Police.
Ayon kay Layson at sa barangay officials ng Shariff Saydona Mustapha, nakilala na ang mga salarin batay sa impormasyong pinaabot ng mga saksi sa krimen.
Ilang negosyante na mula sa mga malalayong lungsod at mga bayan ang ninakawan at ninakawan habang naglalako ng mga gamit sa bahay, mga damit at iba pang produkto sa ibat-ibang bayan sa Maguindanao del Sur nitong nakalipas na mga taon.