Advertisers
Kinilala ng Department of the Interior and Local Government – National Capital Region (DILG-NCR)ang Caloocan Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and their Children (CCAT-VAWC) para sa mga huwarang kontribusyon nito upang maprotektahan karapatan ng kababaihan at mga bata noong Huwebes, Hulyo 27.
Sa katatapos na 2023 Local Committees on Anti-Trafficking and Violence Against Women and the Children (LCAT-VAWC) Functionality Assessment, nakatanggap ang pamahalaang lungsod ng kabuuang iskor na 103 porsyento, na inilarawan bilang “ideal” ng Regional Inter-Agency Monitoring Team (RIMT) ng DILG.
Pinahahalagahan ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang pagsisikap ng CCAT-VAWC at tinanggap ang “ideal” rating bilang pagpapakita ng pangako ng kanyang administrasyon na gawing ligtas ang Lungsod ng Caloocan sa lahat ng aspeto.
“Malugod po nating tinatanggap ang pagkilala na ito galing sa DILG at nagpapasalamat po tayo sa CCAT-VAWC sa patuloy na pagkilos upang pangalagaan ang interes ng mga kababaihan at kabataan sa ating lungsod,” pahayag ni Mayor Along.
“Ang ‘ideal’ rating na iginawad sa ating lungsod ay patunay lamang ng ating walang-sawang paglaban sa lahat ng posibleng kapahamakan na maaring maranasan ng mga Batang Kankaloo,” dagdag ni Malapitan.
Gayundin, nagbigay din ng babala ang local chief executive sa mga patuloy na lalabag sa karapatan ng kababaihan at bata sa Lungsod.
“Hindi po kami mag-aalinlangan sa pamahalaang lungsod na pairalin ang buong pwersa ng batas laban sa mga patuloy na mang-aabuso sa kababaihan at kabataan. Walang puwang sa Lungsod ng Caloocan ang mga kagaya ninyo,” deklara ng City Mayor.(BR)