Advertisers
INAASAHANG dadagsa ang daan-daang atleta sa ikalawang sigwada ng Konsyerto sa Palasyo (KSP) na gaganapin dakong 6:30 ng gabi sa Linggo, Agosto 6, sa Malacañang.
Ayon kay Dir. Anna Cristina “Kris” Villonco ng Broadcast Production ng Presidential Communications Office, bahagi ito ng concert series na sinimulan noong Abril ngayong taon ng Office of the President (OP), PCO at Radio Television Malacañang (RTVM) bilang suporta sa creative industries na nasapol ng pandemya.
Siyempre, layon ng konsiyerto na kilalanin ang husay at galing ng mga masisipag at world-class athletes sa bansa at sa kabilang banda’y makahanap din ng mga bagong usbong na alagad ng musika at mabigyan sila ng pagkakataong makapagtanghal sa “People’s Palace”.
Bibida sa KSP ang powerhouse vocalists na sina Chloe Redondo, Emman Buñao, Jopper Ril at Kevin Traqueña, kasama ang mga beatbox artists na sina Adrian “Ad Beat” Ferrer at Neil Rey Llanes.
Magkakaroon din ng special performance si The Voice France Season 8 contestant Aivan Mendoza, gayundin ang a capella group na Pinopela mula Baguio City, at maging ang professional dance group Douglas Nierras Powerdance.
Ipinagmalaki ni Villonco na karamihan sa mga magtatanghal ay nagkaroon na ng viral videos sa social media at kilala na sa kani-kanilang larangan.
Pinamagatang “Konsyerto sa Palasyo: Para sa Atletang Pilipino,” ang event ay inaasahang panonoorin ng mahigit 300 atleta mula sa iba’t ibang sports at ipapalabas nang live sa official social media pages ng Konsyerto sa Palasyo at RTVM.
Hindi na ito bago sa ating pandinig dahil nagkaroon na ng part 1 ang kaparehong aktibidad noong Abril na pinamagatang “Konsyerto sa Palasyo: Awit ng Magiting.”
Sa konsiyertong iyon, kinilala ang sakripisyo ng mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpapanataili ng kasarinlan, kapayapaan, at seguridad ng bansa.
Bumida sa part 1 ng Konsyerto sa Palasyo ang Samiweng Singers ng lalawigan ng Ilocos Norte, musical director Jeddi Cris Celeste ng lungsod ng Iloilo at maging ang harpists na sina Benedicto Costaños Sr. at Benedicto Costaños Jr. ng probinsya ng Cebu.
Nagtanghal din ang iba pang mahuhusay na talento tulad nina Poppert Bernadas ng Davao; Princess Vire ng Quezon City; Limuel Llanes ng Quezon Province; Marco Paolo Revidiso ng Parañaque City; A.K. Fella, Glnn, MC Julyo ng Cavite; at spoken word artist Kenli Marc Sibayan ng Ilocos Norte.
Habang isinusulat ko ang pitak na ito, wala pang pahayag ang PCO kung makakadalo sa okasyon sa Linggo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at iba pang government officials na matatandaang present sa paglulunsad ng nasabing proyekto noong Abril.
Abangan!
***
Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!