Advertisers
HINIRANG ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Marius Corpus bilang bagong chairman ng Governance Commission for GOCCs (GCG).
Papalitan ni Corpus si dating Sandiganbayan Justice Alex Quiroz bilang pinuno ng GCG.
Kinumpirma naman ng Presidential Communications Office (PCO) ang pagkakatalaga kay Supreme Court Assistant Court Administrator at Public Information Office (PIO) Chief Brian Keith Hosaka bilang commissioner ng nasabing ahensya.
Si Hosaka ay naging PIO Chief at SC Spokesperson ng tatlong punong mahistrado, kabilang sina retired Chief Justice at ngayo’y Executive Secretary Lucas Bersamin, retired CJ Diosdado Peralta at Chief Justice Alexander Gesmundo kung saan pinangunahan niya ang ilang mga inisyatibo tulad ng pagpapaigting ng information dissemination ukol sa mga aktibidad ng korte kaya nailalapit sa publiko ang mga korte.
Bago naging PIO Chief ng mataas na hukuman, si Hosaka ay founding partner ng Paner Hosaka & Ypil law office habang dati rin siyang nagsilbi bilang deputy general counsel ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).
Kapwa nanumpa na sa kani-kanilang mga tungkulin sina Corpus at Hosaka nitong Biyernes, Agosto 4. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)