Advertisers
KLINARO ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na sakop din ng bagong polisiya nilang nagbabawal sa mga motorcycle riders na sumilong sa ilalim ng mga foot bridge o flyover tuwing malakas ang ulan, ang mga street vendors.
Ayon kay MMDA director for traffic enforcement group Victor Nuñez, unang-una ay illegal umano ang mga street vendor at wala silang permit para magbenta roon.
Nauna nang sinabi ni MMDA chairman Romando Artes na nagdudulot ng pagbigat sa trapiko ang mga rider na sumisilong sa ilalim ng mga flyover kapag malakas ang ulan.
Delikado rin umano ito sa mga rider at iba pang motorista.
Karaniwan umanong sinasakop ng mga sumisilong ang dalawa hanggang tatlong lane ng kalsada na lubhang delikado dahil karaniwan ay zero visibility rin kapag malakas ang ulan.
Makikipag-ugnayan ulit ang MMDA sa mga kompanya ng langis upang maglagay ang mga ito ng tent na maaaring silungan ng mga rider.
Sa pagsisimula ng implementasyon ng polisiya nitong Agosto 1, pitong rider pa lamang ang nasisita dahil sa pagsilong ng matagal sa mga foot bridge at flyover.
P1,000 ang multa sa mga lalabag sa naturang polisiya.