Advertisers

Advertisers

Hepe ng pulis na ‘sabit’ sa pagbulag sa kasambahay sibak

0 189

Advertisers

SINIBAK na bilang hepe ng Police Community Relations ng Mamburao Municipal Police Office si Executive Master Sergeant Maria Eliza Palabay matapos madawit sa reklamong isinampa kaugnay ng pang-aabuso sa kasambahay na si Elvie Vergara na humantong sa pagkabulag ng huli.

Kabilang si Palabay sa sinampahan ng pormal na reklamo ni Elvie sa piskalya matapos umano siyang pagbantaan kapag nagsumbong sa dinaranas niyang pang-aabuso mula sa kamay ng mga amo.

Una nang itinanggi ni Palabay ang paratang. Pero giit ng biktima, tandang-tanda pa niya ang hitsura ni Palabay nang pagbantaan siya dahil nakakakita pa siya noon.



“Dinuduro-duro n’ya ako tinaasan pa nya ako ng boses, sabi niya kapag inulit mo pa ‘yun dadamputin na talaga kita, sabi sa akin ng matabang babae na si Mam Liza,” kwento ni Elvie.

Sinabi ni Occidental Mindoro Police Provincial Director, Colonel Jun Dexter Danao, mananatili muna si Palabay sa Provincial Police Headquarters para hindi maimpluwensyahan ang imbestigasyon.

Sinabi naman ng abugado ng biktima na si Atty. Jovito Gambol, posibleng gawing testigo si Barangay Chairman Jimmy Patal.

Mahalaga aniya ang impormasyon ni Patal dahil siya ang nakakita noong taon 2021 nang makatakas si Elvie sa kamay ng mga amo at tumakbo sa Barangay Hall.

Nasaksihan din umano ni Patal nang kunin ng amo si Elvie na nangakong iuuwi na sa pamilya.



“Mas maganda siguro si kapitan na mag-witness, sabihin n’ya ‘yung alam n’ya, hindi naman natin siya pinagsisinungaling para malaman ang katotohanan,” ani Gambol.

Samantala, pinapatutukan ni Senator Francis Tolentino sa mga abugado ng Philippine Legal Justice Center (PLGC) ang pagkuha ng danyos para sa biktimang kasambahay.

Ayon kay Atty. Olivia Feliciano ng PLGC, bukod sa kasong kriminal sa mga nangmaltrato kay Elvie, kailangan din makakuha ang biktima ng compensation claims mula sa mga pinsalang tinamo niya dahil sa pang-aabuso at ang mga posibleng kikitain pa nito na nawala dahil hindi na siya makapagtrabaho.

Dagdag pa ni Atty. Feliciano, maging ang mga sahod na hindi naibigay kay Elvie mula nang nagtrabaho ito kailangan din maibigay.