Advertisers
PATULOY na tinututukan ng publiko ang hit action series “The Iron Heart” dahil sa umaatikabong action scenes at plot twists kaya naman pumapalo ng lampas 300,000 live concurrent views ang kada episode nito simula nang magbukas ang kanilang bagong season noong Hunyo.
Tuluyan ng tinanggap ni Apollo (Richard Gutierrez) ang tungkulin niya bilang bagong lider ng Tatsulok na ipinamana sa kanya ng amang si Priam (Albert Martinez) para ipagpatuloy ang paghihiganti niya kay Brother Joseph (JM de Guzman).
Sa kanyang muntik na pagkamatay sa engkwentro niya kina Menandro (Ian Veneracion) at Eros (Jake Cuenca), alam ni Apollo na wala na siyang maasahan sa CIB ngayon lalo pa at siya ang tinuturong suspect sa pagkamatay ng asawa ni Brother Joseph.
Wala naman siyang sinayang na panahon bilang bagong lider ng Tatsulok at sinimulan ang kanyang misyong pabagsakin ang Yusebeia. Kahit naman tutol dito sina Selene (Dimples Romana), Orcus (Christian Vasquez), at Nyx (Sofia Andres) ay tinutulungan nila ito makakalap ng impormasyon tungkol sa nasabing organisasyon.
Sa kabilang banda, tuluy-tuloy naman ang operasyon ng Altare sa pamumuno ni Eros habang hinahanap nila si Apollo.
Magtagumpay kaya si Apollo sa una niyang misyon bilang bagong lider ng Tatsulok at tuluyang malaman ang lihim ng Yusebeia? Malaman din kaya niya ang kaugnayan nito sa Altare?
Tutukan ang “The Iron Heart,” 8:45PM sa A2Z, Kapamilya Channel, TV5, Kapamilya Online Live on Facebook and YouTube, Jeepney TV, and TFC IPTV.