Advertisers
PINALAYA ng korte ang mayor ng Mabini, Batangas dahil sa kakulangan ng ebidensya at hurisdiksyon kaugnay sa kaso nitong “illegal possession of firearm at explosives”.
Sa 10-pahinang desisyon ni Judge Dorcas P. Ferriols-Perez ng Regional Trial Court (RTC) Branch 84 sa Batangas City, iniutos nito na palayain si Mayor Nilo Villanueva noong Huwebes, August 24, 2023.
Nag-ugat ang pagpapalaya kay Villanueva sa inihaing motion to dismiss ng kanyang abogado sa korte dahil sa kuwestionableng search warrant, hindi katanggap-tanggap na ebidesya, at kakulangan ng sapat na dahilan.
Noong Hunyo 17, naaresto si Villanueva at ang dalawa nitong kapatid sa operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Mary Josephine Lazaro ng tRegional Trial Court, Branch 74, Antipolo City.
Gayunman, iginiit ng abogado ni Villanueva na “null and void” ang search warrant dahil wala sa hurisdiksyon ang korteng nagpalabas nito.
Inilahad rin ng abogado na walang personal knowledge at gawa-gawa lamang ang mga salaysay ng mga saksi ng prosecution. Hindi rin nakasuot ng body camera ang mga operatiba na nagsagawa ng operasyon laban sa mga suspek
Naghain ng motion ang prosecution para ipabasura ang mosyon nila Villanueva pero hindi ito pinagbigyan ng korte.
Inutusan ng korte ang hepe ng CIDG sa Camp Crame na palayain si Mayor Villanueva kung wala nang iba pang kasong nakabinbin laban dito.