Advertisers

Advertisers

Paggamit ng pito at batuta ng mga pulis pinababalik

0 109

Advertisers

INIREKOMENDA ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ibalik ang pito at batuta sa mga pulis matapos ang nangyaring pamamaril sa binatilyong si Jemboy Baltazar.
Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado sa pagkamatay ng 17-anyos na si Baltazar na binaril ng mga pulis matapos na mapagkamalan nilang suspek sa isang krimen.

Kumbinsido si Dela Rosa, chairman ng Senate committee on public order and dangerous drugs, na gumamit kaagad ng baril ang mga pulis sa nangyari kay Baltazar dahil walang “less lethal” na armas ang mga pulis.

“Wala kayong pito, wala kayong batuta. Ang meron lang baril. So kaya nga siguro diretsong gumagamit ng baril dahil walang ibang option na ginagawa ang kapulisan kundi diretsong baril ang gamit. So babalik tayo ngayon sa traditional [policing] na kailangan as part of uniform ng isang pulis, may batuta, may pito,” saad ng senador.



“Importante talaga dahil kapag nakita ka ng tao na tumatakbo pituhan mo. That’s a sign of authority. Para hindi tatakbo ‘yun. Hindi ‘yung paputok agad,” sabi pa ng senador.

Ayon pa kay Dela Rosa, kung hindi na gusto ng mga pulis ang tradisyunal na batuta, mayroon na ngayon na mga modernong pamalo tulad ng telescopic baton.

Una nang inihayag ni Dela Rosa na dapat gamitin lang ng pulis ang kanilang baril kapag nalalagay sa panganib ang kanilang buhay. (Mylene Alfonso)